Local News

2-Linggong Summer Break at Pagpapahaba ng School Year, Planong Imungkahi ng DepEd

“Hindi na magkakaroon ng mahabang break sa pagitan ng dalawang taong pasukan. Baka dalawag linggo lang. Pag-uusapan din ‘yan”.

Ganito ang naging pahayag ni Education undersecretary Diosdado San Antonio sa isang panayam sa kanya mula sa ulat ng “24 Oras:. Ito ay kaugnay umano ng nais nilang imungkahi na paiksiin sa dalawang linggo ang dating dalawang buwang bakasyon ng mga mag-aaral, gayundin ang pagpapahaba ng school year.

“Kami may balak na mag-propose na dalawang linggo ngayong quarter, so ibig sabihin magmo-move ‘yung school calendar ng dalawang linggo pag na-approve ito,” saad ni San Antonio.

Ayon pa sa opisyal, ang mungkahing ito ay upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga estdyante na matapos ang kani-kanilang school requirements sa gitna ng pandemya.

Dagdag pa ni San Antonio, bagama’t ayon sa kanilang datos mula sa DepEd ay nasa 99 porsyento ng mga mag-aaral ang nakatapos sa kanilang school requirements sa unang bahagi ng taon, nakababahala pa rin daw ang natitirang 1 porsyento.

“Pero ‘yun kasing less than 1 percent sa 20 something million na learners is also a significant number. Hindi naman dahil nakakapag-submit, natututo,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, samu’t saring reaksiyon naman ang inani ng mungkahing ito sa social media.

Hinaing ng ilang netizens, “burned out” at “stressed” na umano ang mga estudyante sa kasalukuyang sistema ng online learning kung saan pilit umanong tinatapos ng mga bata ang kani-kanilang modules at takdang-aralin kahit pa abutin ang mga ito ng hatinggabi, Sabado at Linggo.

Ayon pa sa ilan, dagdag-pagod din umano ito para sa mga magulang na kinakailangang tutukan at paglaanan ng mahabang oras ang kani-kanilang mga anak na hindi makahabol sa aralin habang isinasabay ang paghahanap-buhay.

Para naman sa iba, sana raw ay isaalang-alang muna ang opinyon ng mga bata, magulang at mga guro kung maayos pa ang mga kalagayan ng mga ito sa aspetong mental, emosyonal at pinansiyal bago umano mag-isip ng mungkahing pagpapaiksi ng bakasyon.

Panawagan pa ng netizens, maaaring maapektuhan ang kalusugan ng katawan at pag-iisip ng mga estudyante na lalo umanong mapapahaba ang “exposure” sa gadgets sanhi ng online learning setup.

Kung kayo ang tatanungin, ano ang masasabi ninyo sa mungkahing ito?

Source: GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén