Local News

Ang Aking Pagkapanalo ay Simbulo ng Pagkakaisa ng mga Muslim at Kristyano- Senator-elect Robin Padilla

Isang makabuluhang talumpati ang binitawan ni Senator-elect Robin Padilla sa kanyang proclamation speech ngayong Miyerkules, Mayo 18 na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC). Si Padilla ang nanguna sa pinakamaraming bilang ng boto sa Senatorial “Magic 12” sa nagdaang Halalan noong Mayo 9.

“Ang akin pong pagkapanalo ay isang simbulo ng pagkakaisa ng mga Muslim at Kristyano. Sa loob ng matagal na panahon, halos umabot po ang 30 taon, wala pong Muslim na naging Senador na,” ani Padilla.

“Iyon pong higit 26 milyon na mga bumoto sa akin, naniniwala sila sa aking plataporma at iyon po ang reporma sa ating Saligang Batas. Hinihingi ko po sa inyo, mga kapatid ko sa Senado, atin pong bigyan ng pagkakataon ang reporma sa Saligang Batas,” dagdag pa ni Padilla.

Ayon pa kay Padilla, ang napakaraming hinaing umano patungkol sa sweldo, sa trabaho, at maging sa edukasyon ay nakasalalay kung haharapin natin ang reporma sa Saligang Batas.

Nauna nang sinabi ni Padilla na kakailanganin niya ang tulong ni Atty. Salvador Panelo para sa isusulong niyang “charter change”.

“Kailangan ko ng pambato sa usapin ng batas pagdating sa senado. Ang pagpapalit ng saligang batas ay hindi magiging madali sapagkat ang babanggain nito ay ang kasalukuyang naghaharing mga oligarko nakakubli sa 1987 constitution,” saad ni Padilla.

Samantala, pabiro namang binanggit ni Padilla ang mga katagang “It’s late in the evening and I feel wonderful tonight”, mga linya mula sa kantang pinasikat ni Eric Clapton, na ikinakabit ng mga netizens kay Binoy.

Umani naman ng samu’t saring reaksyon ang naging proklamasyon ni Padilla mula sa mga netizens, na ang karamihan ay umaasang maisasakatuparan ang pederalismo sa bansa.

Source: PTV, CNN

Leave a Reply