Local News

‘Ang Lupit! Kawawa ang mga Pilipino!’ Vice Ganda sa ABS-CBN Shutdown

Para sa komedyanteng si Jose Marie Viceral o mas kilala sa tawag na Vice Ganda, hindi lang daw mga empleyado ng ABS-CBN ang apektado sa pagsasara ng istasyon kundi pati ang mga Pilipino.

Kahapon ay naglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng Cease and Desist Order para pahintuin ang operasyon ng Kapamilya network dahil paso na ang prangkisa nito.

Boladas ni Vice Ganda, napakalupit daw ang naging hakbang laban sa ABS-CBN, lalo na at ginawa ito sa gitna ng coronavirus disease 2019 (covid-19) outbreak. Kailangan daw kasi ang mga tao ng impormasyon na hatid ng Kapamilya network ukol sa krisis sa kalusugan.

“Di lang ang network at ang mga empleyado ang kawawa kundi ang buong bansa at lahat ng Pilipinong napagkaitan ng kailangang kailangang serbisyo sa oras na ito ng pandemya. ANG LUPIT!” sabi ni Vice Ganda.

“Lord God i believe in you and your power. Alam ko pong nakikita nyo ang lahat. Kayo na po ang bahala sa amin at sa kanila,” dagdag pa ng komedyante.

Si Vice Ganda ay isa sa mga pangunahing talents ng ABS-CBN at lumalabas sa noon time show ng network halos araw-araw.

Magugunita na noong nakaraang taon ay nag-joke si Vice Ganda laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy matapos sabihin ng religious leader na siya ang nakapagpahinto sa lindol.

“Nako, kabahan si Cardo! Ang pinakakalaban ni Cardo, ang feeling ko, si Quiboloy. ‘Yung nagpahinto ng lindol. Si Quiboloy lang ang magpapahinto ng ‘Ang Probinsyano,’ abangan niyo ‘yan… So ano, Quiboloy, hinahamon kita, ipahinto mo nga ang ‘Probinsyano!’ Napahinto mo pala ang lindol, e. Napakayabang niyo pala!” banat ni Vice Ganda.

Sinagot naman ito ni Quiboloy at sinabihan si Vice Ganda na maging maingat sa hinihiling nito.

“Ikaw, magpili ka, kelan mo ba gustong mai-stop? Isang buwan? Dalawang buwan? Tatlong buwan? Apat na buwan? Ikaw, pili ka… Baka sa apat na buwan, hindi lang yung Probinsyano ang mai-stop, baka pati yung network mo stop na ‘yan,” resbak naman ni Pastor Quiboloy.

Source: Jose Marie Viceral’s Tweet

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: