Local News

Ano ang Basis ng MGCQ? Leni, Bumoladas sa Plano ng Gobyerno!

Matapos ang pinakahuling balita nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa, kinuwestiyon ni Vice President Leni Robredo ang panukalang isailalim ang Pilipinas sa Modified General Community Quarantine.

Matatandaang naghain ng proposal ang National Economic Development Authority nito lamang nakaraan na isailalim ang bansa sa MGCQ simula sa darating na Marso 1. Ito ay upang mabalanse umano ang isinasagawang pagtugon ng bansa para masugpo ang COVID-19 kasabay ng pagkilos para mapunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino pagdating sa aspetong ekonomiya.

Ayon sa Bise Presidente, mataas pa umano ang transmisyon at wala pa rin ang karampatang bakuna kontra-COVID 19 sa bansa. Dapat rin umanong isaalang-alang ng pamahalaan ang kalusugan ng publiko kasabay ng ekonomiya bago bumuo ng anumang desisyon.

Ang tanong ko lang: ano iyong basis, ‘di ba? Ano iyong basis ng MGCQ?” tanong ni VP Robredo.

“Wala namang problema mag-MGCQ kung may basehan tayo roon. Pero kapag tiningnan kasi natin iyong numero, ang taas ng transmission. Wala pa iyong bakuna,” dagdag pa ng VP.

Paliwanag ni NEDA Director General Karl Chua, kailangan umanong mag-shift ng Pilipinas sa MGCQ sa lalong madaling panahon upang matugunan ang tumataas na porsyento o dami ng mga Pilipinong nagugutom sa kasalukuyan, kaugnay na rin ng kinakaharap nating pandemya.

Ayon pa kay Chua, umabot sa P1.04 trillion ang naging income loss ng bansa noong 2020 o tinatayang P2.8 bilyon kada araw nang ipatupad ang quarantine restrictions noong Marso.

“Kahit anong promote natin ng ating tourist spots, mga negosyo, kung mataas iyong transmission, aakyat lang iyan nang kaunti pero hindi natin ma-a-attain iyong desired level,” saad ni VP Robredo.

Binigyang-diin din ni Robredo ang kahalagahan ng pagkakaroon muna ng bakuna.

“Pero kung nandito na iyong bakuna, bumaba na iyong transmission, mas normal na iyong pakiramdam ng mga tao,” saad ng Pangalawang Pangulo.

Source:
GMA News
GMA News+

Leave a Reply

Theme by Anders Norén