Local News

Batas para Maging Libre ang Requirements sa First time Jobseekers, Nilagdaan ni DU30!


Bagong Graduate? Excited ka na ba sa job-hunting? Handa ka na ba sa panibagong hamon ng buhay sa labas ng eskuwelahan: ang paghahanap ng trabaho?

Pero teka, nababahala ka rin ba na malaki-laki rin ang magagastos mo sa pag-aayos ng mga dokumento, sakaling magsimula ka nang maghagilap ng mapapasukang hanapbuhay? Puwes, maiibsan na ang pag-aaalala mo!

Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11261 o ang “First Time Job Seekers Assistance Act”, isang batas na naglalayong matulungan ang mga first-time job seekers sa pamamagitan ng pagwe -waive ng mga government fees at charges sa mga dokumentong kailangan ng mga ito sa pag-aaply.

Principal author at sponsor ng nasabing batas si Senator Joel Villanueva. Siya rin ang Chair sa senate committee on labor, employment, and human resources development.

Ayon kay Villanueva, nasa 1.3 milyong first time job seekers taun-taon ang makikinabang sa nabanggit na batas. Aniya, karaniwan nang gumagastos ng mahigit P2000 ang mga first-time job seekers sa pag-aayos pa lamang ng mga dokumento habang naghahanap ng trabaho. Hindi pa kasama rito ang iba pang gastusin tulad ng pagkain at pamasahe.

“Sa bisa po ng First-time Job-Seekers Assistance Act, mababawasan na po ang pasanin ng ating mga fresh grads sa mga bayarin na kailangan para lamang makakuha ng mga dokumento na kailangan sa kanilang job application,” saad ni Villanueva.

“Malaking tulong po ang handog nito sa pagbubukas ng panibagong yugto ng ating fresh grads mula sa kanilang matagumpay na pagtatapos sa eskuwelahan patungo sa kanilang job-hunting,” dagdag pa ng senador.

Sa ilalim ng naturang batas, ang sinumang indibidwal na maghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon ay libreng makakakuha ng kanyang identification documents at clearances.

Kabilang dito ang Barangay at Police clearance, NBI Certificate, Medical certificates mula sa mga Government clinics at Hospitals, Birth o Marriage Certificate, Transcript of Records (TOR) mula sa mga State Universities at Colleges, Tax Identification Number (TIN), at Unified Multi-Purpose ID card (UMID).

Upang makakuha ng nasabing exemption, kailangang magsumite ang aplikante ng barangay certification bilang patunay na siya ay first-time job seeker. Sakop ng nasabing batas hindi lamang ang mga bagong graduate kundi pati mga out-of-school youth.

Samantala, hindi naman kabilang dito ang anumang gastusin kaugnay ng aplikasyon para sa pagkuha ng professional licensure examination, aplikasyon para sa Pasaporte ng Pilipinas, awtentikasyon ng mga dokumento mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), aplikasyon para sa driver’s license, at aplikasyon para sa Carrer Service Examination.

Magkakaroon din ng isang inter-agency monitoring committee upang bantayan at siguruhin ang pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan sa nasabing batas. Sinumang mahuli at mapatunayang lalabag dito ay maaaring sampahan ng kaukulang kasong administratibo.

Source:
Inquirer

Leave a Reply

Theme by Anders Norén