Local News

CCTV Footage ng Bank Robbery sa Maynila, Nilabas na!

Inilabas na ng ilang media outlets ang closed-circuit television (CCTV) footage ng nangyaring panloloob sa sangay ng Metrobank sa Binondo, Maynila. Mapapanood sa video na may hindi bababa sa limang lalaki ang pumasok sa bangko at isa-isang naglabasan matapos ang ilang sandali. Makikita rin ang isa sa mga suspek na mayroong dalang malaking bag. Nangyari ang krimen ngayon lang umaga ng Huwebes.

Nang dahil sa insidente ng panloloob, nag-alok ng pabuyang P1 milyon ang alkalde ng lungsod na si Mayor Isko Moreno para sa impormasyon at ikadadakip ng mga salarin.

“I am now offering P1 million for the arrest of these at least 7 suspects na kinuha ‘yung CCTV ng bangko but as per information, the Manila Police District already have a copy of the CCTV from the barangay,” sabi ng alkalde ng Maynila.

Nagbanta din ang punong lungsod na hindi makakatakas sa batas ang mga suspek at pananagutin ang mga ito sa batas. Inatasan na rin ng alkalde ang kapulisan na habulin ang mga kawatan.

“Hahanapin po namin kayo. Hindi namin kayo bibigyan ng kapanatagan. Hindi namin kayo papayagan na guluhin, perwisyohin ang mamamayan ng lungsod ng Maynila… dalhin natin sila sa mata ng batas, papapanagutin natin sila… Again, you cannot escape the long arm of the law,” babala ni Mayor Isko.

Base sa pahayag ng mga testigo, nakasuot umano ng uniporme ng security guard ang mga salarin. Gumamit din daw ang mga ito ng mga motorsiklong walang plaka at nagmamadali makatakas.

“After three minutes, may sumisigaw na sa harap ng bangko na hinoldap po daw ‘yung bangko,” sabi ng isa sa mga saksi.

Panoorin ang buong pahayag ni Mayor Isko patungkol sa nangyaring bank robbery sa Metrobank Binondo branch.

Ito na man po ang aktuwal na pagtungo ni Mayor Isko sa lugar kung saan naganap ang panloloob.

Source: ABS-CBN | Philstar

Leave a Reply

Theme by Anders Norén