Local News

Posibleng “Constitutional Crisis” Pag Kinansela ang ABS-CBN Franchise Gamit ang “Quo Warranto”- Lacson

Nitong mga nakalipas na araw ay naiulat ng ilang media outlets ang balak umano ni Solicitor General Jose Calida na maghain ng “quo warranto” case para ipakansela ang prangkisa ng ABS-CBN.

Para kay Senador Panfilo Lacson, maaari daw mauwi sa constitutional crisis kapag inaprubahan ng Korte Suprema ang hakbang ni Calida.

“Ang renewal ng franchise, ayon sa Constitution, nasa Kongreso yan. Kami ang magde-deliberate, at ang mag-a-approve niyan, Pangulo. I think parang superfluous ang mag-quo warranto pa para pigilan ang pag-renew ng franchise, kasi power ng Congress ‘yan… Baka magkaroon tayo ng constitutional crisis. Kasi halimbawa, kung mag-grant ang SC ng quo warranto at kasalukuyang nagsasagawa kami ng plenary deliberation sa renewal ng franchise ng ABS-CBN,” sabi ni Senator Lacson.

Sa hiwalay na ulat mula sa Inquirer, sinabi ni Seanator Lacson na maituturing na “duplicitous” ang paghahain ng “Quo Warranto” laban sa ABS-CBN.

“I think it’s somewhat duplicitous this move to stop ABS-CBN’s franchise renewal because they cannot stop the Congress from deciding on that,” banat pa ng mambabatas.

Ayon sa www.merriam-webster.com, ilan sa mga synonyms o kasingkahulugan ng salitang “duplicitous” ay “dishonest” at “crooked”.

Magugunita na ilang ulit na nagbanta si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na haharangin niya ang pagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN. Ilan sa mga rason ng Pangulo ay ang hindi umano pag-e-ere ng kanyang campaign ads noong 2016 kahit na tinanggap ng kumpanya ang kanyang bayad. Inalmahan din ng Pangulo ang pagpapalabas ng ABS-CBN ng “black propaganda” ni former senator Antonio Trillanes IV.

Sa ilang pagkakataon, sinabi ni Pangulong Duterte na may hindi pa nababayaran na bilyon-bilyong pagkakautang ang ABS-CBN sa Development Bank of the Philippines at ito raw ang dahilan kung bakit nalugi ang bangko.

Kanakailan lang ay sinabi ni Pangulong Duterte sa mga mag-ari ng kumpanya na ibenta na lang ang network.

Source: Manila Bulletin | Manila Bulletin | Inquirer

Leave a Reply

Theme by Anders Norén