Local News

DU30, Inendorso si Cayetano bilang Susunod na House Speaker!

Matapos ang ilang araw ng paghihintay sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa magiging susunod na House Speaker sa kongreso, ipinaalam na ni Presidente Duterte sa publiko na si dating Department of Foreign Affairs secretary at ngayo’y Taguig Congressman Alan Peter Cayetano ang magiging pinuno ng kamara.

Magkakaroon daw ng term-sharing sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco.

Kamakailan lang ay sinabi ni Cayetano na pumayag siya na magsilbing speaker sa loob lang ng 15 na buwan, habang si Velasco naman ang sa susunod na 21 na buwan.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Cayetano na mayroon umano siyang mas mabuting relasyon sa senado dahil naging senador siya dati. Ito raw ay makatutulong sa pagsusulong sa legislative agenda ni Presidente Duterte.

Si Leyte Representative Martin Romualdez naman ang magiging Majority Leader, ayon kay Pangulong Duterte.

Si Cayetano ang naging running-mate ni Pangulong Duterte noong 2016 elections. Magugunita na noong kasagsagan ng hearing patungkol sa extra-judicial killings (EJK) sa senado, si Cayetano ang isa sa mga nanggisa sa mga testigo nina dating Senador Antonio Trillanes at ni Senadora Leila De Lima. May pagkakataon din na nakasagutan ni Cayetano sina De Lima at Trillanes sa senado.

Nitong mga nakaraang araw, nagpahayag ng pagtutol sa term-sharing para sa house speaker ang mismong anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ang grupo nito na Hugpong ng Pagbabago (HNP). Ayon sa alkalde, makakapagpabagal lang daw ito sa administrasyon ng kanyang ama.

“We do not know why the term sharing influencers do not seem to care what will happen to the House… They just want to install a Speaker and do not think about what comes after,” sabi ni Mayor Sara sa isang pahayag.

Nagpahayag din si Davao Congressman Paolo Duterte ng interest sa pagiging house speaker pero matapos maka-usap ang ama ay hindi na nito itinuloy ang balak.

Source: ABS-CBN

Leave a Reply

Theme by Anders Norén