Local News

Fabunan Drug Laban sa COVID-19? Malacañang, Nagsalita na!

Matapos kumalat ang video kung saan sinasabi na ang Fabunan drug ay napatunayang mabisang panggamot kontra sa coronavirus disease 2019 (covid-19), nagsalita na ang Malacañang at inatasan ang Food and Drug Administration (FDA) na suriin ang pagiging epektibo diumano ng nasabing medisina. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Presidential Spokesperson Harry Rique, kailangan daw mapag-aralan ng husto ang nasabing medisina upang hindi magdulot ng kalituhan sa mga taong naniniwalang gamot ito sa covid-19.

“Bakit ba hindi napag-aralan ‘yung sinasabing anti-viral injection ni Fabunan at once and for all, magdeklara ang FDA — ito ba ay safe to use or hindi… Habang hindi ginagawa at hindi nagdedeklara ng ganiyan ang FDA, palaging madaming maniniwala na baka ito (Fabunan) na nga ang lunas… So sabi ko pag-aralan na nga kung ano iyan at magkaroon na ng pronouncement ang FDA ,” sabi ni Spox Roque.

Ang Fabunan ay isang anti-viral drug na ginagamit laban sa dengue. Ito ay gawa ng Washington-based Filipino doctor Ruben Fabunan.

Ngayong buwan ay may kumalat na video sa social media kung saan sinasabi na ang Fabunan ay aprubado at napatunayang ginagamit laban sa covid-19. Ang naturang video ay burado na.

Pero sa isang advisory ng FDA, pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na wala pang lisensiyadong gamot o bakuna na tiyak na panlaban sa Covid-19.

Nilinaw naman ng Fabunan Medical Clinic na hindi ibinebenta sa merkado ang gamot at ekslusibong ginangamit lang daw ito ng mga doktor ng nasabing klinika.

Sa kabilang banda, ang Pangulong Duterte ay nagpahayag ng pagiging handa sa pagsasagawa ng clinical trial para sa Japanese anti-viral drug na Avigan. Ayon sa research studies sa China, naging mabisa daw ang Avigan laban sa covid-19.

Base sa naitalang datos nito lamang mMartes. pumalo na sa 6,599 ang kumpirmadong kaso ng covid-19 infection sa Pilipinas. 654 na ang gumaling at 437 naman ang nasawi.

Source: Philippine News Agency

Leave a Reply

Theme by Anders Norén