Local News

Gadon kay VP Leni Robredo: “Dapat Tanggapin Mo Na!”

“Dati sabi niya ‘pag natalo kailangan daw tanggapin. Eh eto oh, natalo na siya eh, dapat tanggapin na niya.”

Ganito ang ilan sa mga naging pahayag ni Atty. Larry Gadon na kilalang kaalyado ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. patungkol sa naging resulta ng nagdaang Halalan nitong Mayo 9.

Sa video na inilabas ng SMNI news, sinabi ni Gadon na ang mga nakuhang boto umano ng katunggali ni Marcos na si VP Leni Robredo ay malayo sa nakuhang boto ni Bongbong, na hindi pa umano umabot sa kalahati ang bilang, kaya’t dapat na umanong tanggapin ni Robredo ang pagkatalo nito.

“Nangangahulugan din na ‘yung 2016 ay talagang dinaya lang si BBM. At, ito rin ang nagpapatunay na wala nang naniniwala sa mga EDSA EDSA 1 na ‘yan!,” patuloy ni Gadon.

Sa gitna ng mga naghihiyawang supporters ng kampo ni BBM ay sinabi rin ni Gadon na ang naging resulta umano ng eleksyon ang katunayan na wala nang naniniwala sa aniya’y paninira at kasinungalingang ibinabato laban kay Marcos.

“Ang mga Pilipino ngayon ay hindi na maloloko ng mga dilawan. Alam na ng Pilipinas, alam na ng Pilipino kung sino ang mga magnanakaw, at ‘yan ay walang iba kundi mga dilawan,” saad ni Gadon.

Hinikayat din ni Gadon ang taumbayan na aniya’y muling ibangon ang Pilipinas, at itama ang kasaysayan ng bansa. Dagdag pa ni Gadon, ang EDSA 1 o ang People Power Revolution na naganap noong 1986 ang siya umanong nagpabagsak sa bayan.

“Pinahamak… ang EDSA 1 ay isang malaking kapahamakan at ‘yan ang nagpabagsak sa ating bansa. Kaya ito na ang pagkakataon upang ibangon natin ang ating bansa,” ani Gadon.

‘Sa pagkakapanalo ni BBM, ito ang nagpapatunay lahat ng kasinungalingan ng mga Aquino, ‘yung mga propaganda, ‘yung mga indocrination. Kaya ngayon, tayo ay babangon muli at ating iwawasto ang kasaysayan ng Pilipinas. Maraming salamat,” pagtatapos ni Gadon.

Hindi pinalad si Gadon na magwagi bilang Senador sa nagdaang Halalan.

Source: SMNI News

Leave a Reply