Local News

‘Ganyan ba ang Kapamilya? Walang-awa kaming Inalisan ng Kabuhayan!’ – Former ABS-CBN Employee

Dahil sa isyu ng paghahain ng Quo Warranto petition laban sa prangkisa ng ABS-CBN ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga dating empleyado ng kumpanya na ikuwento ang tungkol sa ginawa sa kanila ng network giant noong 2010.

Nag-viral kamakailan lang ang social media post ng dating nagtrabaho sa ABS-CBN na si Christopher Mendoza. Kinuwestiyon ni Mendoza ang mga artista ngayon na pilit isinasangkalan ang mga manggagawa para maisalaba ang media outlet. Banat ni Mendoza, ano ang pinagkaiba nila sa mga manggagawa ngayon. Sila nga daw ay biglang tinanggal ng ABS-CBN.

Matapos ang pagsisiwalat ni Mendoza ay nagsalita na rin ang isa pang dating empleyado ng ABS-CBN na si John Paul Panizales. Ayon kay Panizales, isa siya sa mga nakiisa sa kilos-protesta na inorganisa ng ABS-CBN Internal Job Market (IJM) Workers Union para ireklamo ang labor practice na ginagawa ng media giant sa mga empleyado nito.

Sinabi ni Panizales na hindi niya naramdaman na isa siyang kapamilya. May pagkakataon daw na sa pagtatrabaho niya sa ABS-CBN ay muntik na daw siyang pumanaw pero tinanggal daw siya ng kumpanya.

“Isa ako sa mga empleyado na walang awang inalisan ng kabuhayan ng network na nagsasabing Kapamilya sila! Bakit hindi nila kami tinuring na Kapamilya nung panahon na yun? Isa ako sa mga tumayo sa kalsada sa harap ng kumpanya nila para ipaglaban ang aming mga karapatan bilang manggagawa! Pinakinggan ba kami?????? HINDI!!!!! Kahit isang TV Network noon walang pumansin sa mga hinaing at paghingi namin ng tulong! Kasi pare-parehas silang may mga bahong itinatago… 10 taon ako nagsilbi sa network na yan! In fact, muntik pa ako mamatay dahil naaksidente kami pagkagaling sa isang taping! 10 taon na serbisyo, pero wala pang isang oras basta na lang inalis ang access namin makapasok sa loob. In fairness, sinalo kami ng TV5 noon at sa tulong at awa ng Diyos, nagkaron kami ulit ng buhay!” sabi ni Panizales.

Walang problema kay Panizales kung mabibiyayaan uli ng prangkisa ang ABS-CBN pero sana daw ay matuto na ito at kilalanin ang mga empleyado.

“Okay lang naman ma renew ang franchise ng Kapamilya! Pero sana lingunin naman nila ang mga maliliit na manggagawa na labis na nagpapakahirap magkaron lang sila ng mga magagandang shows! Ang nagpupuyat at hindi natutulog ng halos ilang araw magampanan lamang ang kanilang mga trabaho! Sana alagaan naman nila at mahalin na parang isang totoong Kapamilya ang mga manggagawang halos binubuhos na ang buhay para sa serbisyo sa kanila! Sana matapos na ang walang awang pang maltrato nyo sa mga empleyado!” dagdag pa ni Panizales.

Kahit ganun pa man daw ang naging karanasan niya sa ABS-CBN ay nagpasalamat pa rin ito sa mga natutunan niya.

Source: John Paul Panizales | Chris Mendoza

Leave a Reply

Theme by Anders Norén