Local News

KADAMAY, Umalma sa Clearing Operations ni Mayor Isko sa Maynila!

Kung natuwa ang karamihan sa mga kababayan natin sa ginagawa ni Mayor Isko Moreno sa kanyang lungsod, my ilang personalidad at sektor din ang pumupuna sa aksyon ng alkalde. Tulad na lang ng mag-amang ex-Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at ang anak nito na si Jerika Ejercito. Kahapon ay tinawag ni Estrada na “pasikat” ang pagbabagong gustong gawin ni Mayor Isko sa Maynila habang ang anak nito na si Jerika ay gustong palabasin na anti-poor ang mga polisiya ng bagong Alkalde. Ngayon ay nagbigay na rin ng pahayag ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Metro Manila.

“Pagkawala at atake sa kabuhayan ng daan-daang manininda na apektado ng clearing operation,”

Ganito ang naging boladas ng KADAMAY sa pagbabagong ipinatutupad ni Manila Mayor Isko Moreno sa lungsod nito. Ayon sa grupo, lubos silang nababahala sa mga maapektohan sa paglilinis at pagbabalik ng kagandahan ng Kamaynilaan.

“Nababahala ang Kadamay Metro Manila sa maaaring maidulot nito sa mga pamilya ng mga manininda at sa tuluyang pagkawala ng kanilang ikinabubuhay,” sabi ng KADAMAY sa kanilang social media account.

Bulalas pa ng KADAMAY, sana ay huwag daw tignan ang mga mahihirap na nakadudumi. Ang ganitong klase daw ng pagtrato sa mga maralita ay isang uri daw ng pagkukubli sa mga isyu ng kabulukan ng sistemang umiiral at kawalan ng hustisya.

“Kinukundina ng Kadamay Metro Manila ang kawalan pa rin ng kongkretong proyektong aagapay sa mga mahihirap na manininda na maaaring magpataas ng estado ng kanilang ikinabubuhay at makapagbigay ng mga insentibong makakatulong upang umunlad mula sa karukhaan,”boladas pa ng grupo.

Naghamon pa ang grupo na lumikha ang pamunuan ng lungsod ng oportunidad para sa kabuhayan ng mga mahihirap.

“Nananatiling iginigiit ng Kadamay Metro Manila ang panawagan sa makatarungan at nakabubuhay na sahod, kasiguraduhan sa kabuhayan, at katiyakan sa paninirahan,” sabi pa ng KADAMAY.

Ang grupong KADAMAY ay sumikat sa pang-aagaw ng mga pabahay ng gobyerno para sa mga sundalo at pulis sa Bulacan.

Source: Philstar | KADAMAY Metro Manila | ABS-CBN

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: