Balitang Lokal, Local News

Kampo ni Robredo kay Duterte: Huwag Ikumpara ang Pinas sa India!

May bagong banat ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan.

Ayon sa Tagapagsalita ni VP Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez , sa halip umano na ikumpara ang Pilipinas sa nangyayaring pagsubok sa India ngayon dahil sa pandemya, mas makabubuti raw na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang sariling aksyon ng bansa laban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

“Huwag na muna nating tingnan iyong comparison sa ibang bansa. Ang focus natin, ano ba iyong target natin, ano ba iyong gusto nating maabot?” ani Gutierrez.

“Sa kasalukuyan, mataas na rin ang ating positivity rate . . . Dumadami pa rin ang mga kaso natin, kahapon nasa mga 9,000 ang mga dagdag na kaso. Lumagpas na tayo ng 1 milyon na kaso ng COVID. So iyan ang mga kailangan nating tingnan,” dagdag pa ni Gutierrez.

Ang komentong ito ni Gutierrez ay bilang tugon sa nauna nang pahayag ng palasyo na higit na maayos na napamamahalaan ng gobyerno ang sitwasyon ng Pilipinas sa gitna ng pandemya kung ikukumpara sa ibang bansa.

Paglilinaw naman ni Virginia Arcilla-Agtay ng PCOO Integrated News Team, sinabi nila ito upang malaman ng mga mamamayan ang mga karampatang aksyon na ginagawa ng Gobyerno laban sa pandemyang kinakaharap natin sa kasalukuyan. Nais din umano nilang makipagtulungan ang bawat isa at magtiwala na magagawa nating sama-samang bumangon mula sa problemang ito, sa halip na magpakalat ng mga pekeng balita, disimpormasyon at takot sa mga tao.

Hirit naman ni Gutierrez, kung nais daw ng pamahalaan na masukat ang sariling kilos nito laban sa pandemya, dapat umanong sa mga bansang hindi nahihirapan sa pagkontrol sa COVID-19 ikumpara ang Pilipinas.

“Hindi ba gusto mong ihambing ang sarili mo doon sa pinakamagaling, di ba?” ani Gutierrez.

“Paano natin mapapababa iyong transmission rate? Paano natin mapapababa iyong positivity rate? Paano natin mapapabilis iyong rollout ng vaccines? Kaysa tinitingnan natin iyong India at pinipilit natin, ‘Pero mas masama doon.’ Ano’ng tulong sa atin no’n?” dagdag pa ng kampo ni VP Robredo.

Source:
ABS-CBN News
ABS-CBN News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén