Local News

Klase sa Public Elementary at High School, Magbubukas sa Hunyo 3!

Handa na ba kayo sa muling pagbubukas ng klase, mga kababayan? Sulitin na ang nalalabing mga araw ng bakasyon, dahil sa darating na Hunyo 3, 2019, pasukan na muli sa mga pampublikong paaralan ng Elementarya at Hayskul, ayon sa Department of Education (DepEd), na iniulat ng Philstar Global.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, batay sa isang memorandum noong April 22, ang nasabing school year ay bubuuin ng 203 araw at magtatapos sa April 3, 2020.

Dagdag pa ni Briones, maaari naman umanong i-adjust ang kalendaryo ng nabanggit na school year, sakaling may mga mahahalagang selebrasyong panlokal at pang-nasyonal na kailangang ipagdiwang o idaos para na rin sa kapakanan ng mga estudyante.

Samantala, sa mga pagkakataon namang nagkakaroon umano ng mga di-inaasahang kalamidad at suspensyon ng klase, inirerekomenda ng DepEd ang pagkakaroon ng make-up classes para sa mga mag-aaral.

Naka-schedule naman ang Christmas Break ng public Elementary at High School mula Disyembre 15 hanggang Enero 5.

Sinabi rin ni Briones na ang pagpapatupad ng mga nasabing aktibidad ay nararapat pagkasunduan ng mga pinuno ng bawat paaralan, guro at maging ng mga magulang ng mga mag-aaaral. Bahagi rin umano ng implementasyon ng mga gabay sa darating na pasukan ang paghimok ng DepEd sa mga paaaralan na magsagawa ng “non-classroom based activities for learners” gaya ng science fair, trade fair, job fair, career orientation, pagpapakita ng portfolio, school sports at campus journalism. Ito ay kaugnay pa rin ng layunin ng K-12 para sa pangkabuuang ikauunlad ng mga estudyante.

Nauna nang ipinag-utos ni Briones ang pagbuo ng Oplan Balik-Eskwela (OBE), isang inter-agency task force na magiging responsable sa pagkakaroon ng maayos at payapang pagbubukas ng klase.

“The OBE is part of the department’s efforts to ensure that the learners are properly enrolled and able to attend school on the first day of classes. The OBE aims to address problems, queries and other concerns commonly encountered by the public at the start of classes,” saad ni Briones.

Sa kabilang dako, ang nasabing schedule ng pasukan ngayong school year ay maaaring hindi sundin ng mga pribadong paaralan, basta’t susundin nila ang batas na nagsasaad na ang pagbubukas ng klase ay nararapat simulan nang hindi mas maaga sa unang Lunes ng Hunyo at hindi rin lalampas sa huling araw ng Agosto.

Source: Philstar

Leave a Reply