Local News

Kung gusto mong mapahaba ang bakasyon, Mag Leave Credits ka na lang – Labor Sec. Bello III

Humabi ng kaliwa’t kanang diskursyon sa pagitan ng ating mga kababayan sa social media ang kamakailan lamang na anunsiyo ng pamahalaan ukol sa Proclamation 1107 na nilagdaan ni Pangulong Duterte. Sa ilalim kasi ng nasabing proklamasyon, magiging “special working days” na ang mga araw ng Nobyembre 2 (All Souls Day), Disyembre 24 (Christmas Eve), at Disyembre 31 (last day of the year).

Marami ang hindi naging pabor sa naging kilos na ito ng pamahalaan dahil anila, ang mga araw na ito na lamang daw ang panahon na maaari nilang makasama ang kani-kanilang pamilya. Ayon naman sa iba, tama lang umano ang naging desisyon ni Pangulong Duterte dahil malaki raw ang maitutulong nito sa muling pagbangon ng ating ekonomiya sa gitna ng pandemya, lalo’t marami sa ating mga manggagawa ang “no work, no pay” ang estado sa trabaho.

Samantala, may paliwanag at payo naman si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga aniya’y nais mapahaba ang kanilang bakasyon at tutol sa nasabing proklamasyon.

“Ang importante dyan, kasi kung halimbawa hindi ka papasok, may bayad pa rin ‘di ba pero walang production. Pero ngayon na public holiday pero working, kapag hindi ka pumasok walang bayad,” saad ni Bello.

“Kung gusto mong mapahaba ang bakasyon, ‘di mag-avail of your leave credits. Leave credits ka na lang,” dagdag pa ng sekretarya.

Patuloy pa ni Bello, mabigat umano sa mga employer ang nakagawian nang walang pasok na mga petsang nabanggit at sayang umano ang mga araw dahil napakaraming oras ng produksiyon ang naaapektuhan. Sinabi rin ng sekretarya na sa Asya umano ay ang Pilipinas ang pinakamaraming araw ng “non-working Holidays”.

“Wala naman kasing historical significance, cultural significance, wala namang religious significance so siguro the reason [why] hindi na lang gawing non-working, kung gustong ma-maintain, then it can still be a holiday but this time in order not to affect the productivity of our business and economy, gawin na lang working holiday,” saad pa ni Bello.

Source: Inq

Leave a Reply

Theme by Anders Norén