Local News

Lagyan ng Business Class ang MRT! Pamasahe, gawing P200 to P300! – Poe

Sa 2020 budget hearing ng Department of Transportation (DOTr), iminungkahi ni Senadora Grace Poe na maglagay ng Business class sa MRT-3.

Inihalintulad ni Poe ang konsepto sa mga premium seats na iniaalok ng mga airline companies. Sa business class seats sa mga eroplano, mas malawak ang leg room ng pasahero. Mayroon rin itong mga entertainment at priority exits. Mas mahal nga lang ang bayad sa business class kumpara sa mga pangkaraniwang upuan ng eroplano.

“Mayroong isang nagsabi sa akin, ewan ko if this is something you would consider… na habang ginagawa niyo ‘yung Dalian trains, baka pwedeng (maglagay ng) a few specific coaches or trains that are designated as a business coach,” sabi ni Poe.

Dahil sa kaakibat na mas magandang serbisyo sa Business Class, dapat daw ay magbayad ng mas mahal ang mga pasahero. Pwede daw umabot sa P200 hanggang P300 ang pamasahe sa business class. Nilinaw ni Poe na ang target market ng Business class sa MRT ay ang mga nagmamay-ari ng mga pribadong sasakyan.

“Yung mga tao who can afford to pay that amount are the ones that probably drive private vehicles,” ayon kay Poe.

Paliwanag pa ni Poe, pede daw magamit ang kikitain sa MRT business class seats para sa pagpapaganda ng serbisyo ng train.

Para naman kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade pwede nilang ikunsidera ang mungkahi ng senadora pero hindi daw ito agad magagawa dahil maari daw itong maging sanhi ng problema.

“(We can consider that) kapag nakuha na natin ‘yung tamang numero na mago-operate… Mahirap po ngayon kung 12, 14 (train sets) tapos baka masiraan ‘yun. Hindi tayo makaka-live up sa expectation ng business class, madodoble ‘yung sakit ng ulo natin diyan,” paliwanag ni Tugade.

Magugunita na nagkasagutan sina Poe at Tugade sa mga nagdaang senate hearing dahil sa isyu ng emergency powers na hinihiling ng ehekutibo..

Source: CNN Philippines

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: