Local News

‘Maduming Laro at Jueteng Lord din ang Nagpapatakbo’ Ex-PCSO Chair, Binunyag ang Baho ng STL Lotto!

Nakapanayam ng CNN Philippines ang dating Chair ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) na si Ayong Maliksi matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasarado ng mga pasugalan ng ahensiya.

Binunyag ni Maliksi ang karumihan ng larong Small Town Lottery. Ayon sa dating opisyal ng PCSO, mga jueteng lord din daw ang mga nagpapatakbo ng mga ito.

“Talagang dapat matigil iyon. Gawa ng napakadumi ng laro na iyon. Ang nakikinabang lang ng STL ay ‘yung nag-o-operate at nagpapatakbo na mga jueteng lord. Noon pa lang natuklasan ko na ang mga lumalabas na operator ng STL ay dummy lang ng mga malalaki at kilala na sa mundo ng jueteng,” pagsisiwalat ni Maliksi.

Isinalaysay din niya kung paano kumikita ng limpak-limpak na salapi ang mga nagpapatakbo ng jueteng.

“Ang mga Pilipino ata ay mahilig talaga sa sugal. Gawa ng jueteng, ‘yung talaga malaki daya nun. Hindi mo nalalaman kung paano binobola. Nakita mo patuloy na tumataya ang mga tao. Eh ang jueteng ang totoo ay araw-araw may tumatama pero alam nung mga nagpapauwi kung ano lang ang maliit na tatamaan ‘yung lang ang pinapatama. Wala pang 10% ang nawawala sa kanila. Majority sa bulsa nila napupunta,” sabi ni Maliksi.

Nilahad din ni Maliksi ang nangyari noong siya ay nanilbihan sa ahensiya. Ayon sa dating opisyal ng PCSO, tila naging kontra-bida pa daw siya nang gumawa siya ng mga hakbang para labanan ang korapsyon.

“Noong nandoon ako, marami akong ginawang hakbang na inabutan ng eleksyon kaya hindi na nangyari. Gawa ng isang taon at isang buwan lang ako sa PCSO. ‘Yung mga kasamahan ko dun na dapat ko makatulong, eh hindi ko nakatulong… Parang lumabas ay kontra-bida ako nung dumating ako dun,” kwento ni Maliksi.

Dagdag pa ni Maliksi, dapat ay huwag nang ipagkatiwala sa iba ang pagpapatakbo ng STL kundi PCSO na rin ang mangasiwa nito para sa ikabubuti ng palaro.

Source: CNN Philippines’ Rex Remitio

Leave a Reply

Theme by Anders Norén