Local News

Magdudulot ng Takot ang Kondisyones ni Sec. Bautista – Atty. Bruce Rivera!

“Pangamba sa Karapatang Pantao at Malayang Pamamahayag”

Ganito kung ilarawan ng radio host/ blogger na si Atty. Bruce Rivera ang kanyang opinyon ukol sa mainit na pinag-uusapang isyu ngayon sa pagitan nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista at journalist Erwin Tulfo. Si Bautista ay isa ring dating Army General na nanguna sa Marawi Siege.

Matatandaang ilang araw ang nakalipas mula nang magbato ng “hindi kaaya-ayang salita at rant” si Erwin Tulfo laban kay DSWD Sec. Bautista dahil sa hindi umano pagpapaunlak ni Bautista sa isang panayam. Labis na nainsulto si Bautista sa mga nasabi ni Tulfo, bagay na binatikos din ng Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated at Philippine National Police (PNP), gayundin ng ilan nating mga kababayan.

Dahil sa nasabing pangyayari, humingi ng public apology si Tulfo kay Bautista, sa pamilya nito, sa PMA at sa lahat ng umano’y nasaktan sa nabanggit na “rant” na ito ni Tulfo. Tinanggalan din si Tulfo ng security escort at ang baril nito ay ipinasusuko dahil paso na raw ang lisensiya.

Gayunman, may ilang kondisyong inilatag si Bautista upang tanggapin ang nasabing paghingi ng dispensa ni Tulfo. Nais din daw ni Bautista na humingi ng public apology si Tulfo sa iba’t ibang istasyon ng radyo, social media platform at pahayagan. Pinagdo-donate din umano si Tulfo ng P300,000 sa 19 piling foundation na kung susumahin ay aabot sa halagang P5,700,000.

Ayon kay Rivera, wala umano siyang kinikilingan sa nasabing isyu sa pagitan ng dalawa dahil nakikita niya rin daw na ang kapwa panig ay may kanya-kanyang “ego”, bagama’t isa umano ito sa maaaring magsilbing “aral” kay Tulfo na maghinay-hinay din sa pagbibitiw ng mga salita at batikos. Subalit, ipinangangamba rin umano ni Rivera na ang iba pang kondisyones ni Bautista ay lumampas na sa pagtuturo sa isang tao sa pagiging mapagkumbaba sa teritoryo ng karapatang pantao.

Dagdag pa ni Rivera, maaari umano itong magdulot ng takot sa mga komentarista sa radyo at telebisyon sa bansa na banggain ang ilang makapangyarihang institusyon gaya ng PMA. Maari rin daw itong lumikha ng kawalang-kasiguraduhan sa nakalaang parusa sa kabila ng paghingi ng “public apology” ng isang komentarista sa kanyang “reckless rant” na pwede palang magkahalaga ng P5,700,000 bilang kapalit sa kanyang pagkakamali. Ani Rivera, ang mga kondisyon na ito ni Bautista ay maituturing na malinaw na pagsupil sa malayang pamamahayag.

Source:
Bruce Rivera Facebook Page

Leave a Reply

Theme by Anders Norén