Oops! It appears that you have disabled your Javascript. In order for you to see this page as it is meant to appear, we ask that you please re-enable your Javascript!

Local News

Magkapatid na Bata, Magkayakap na Namatay sa Sunog sa Tondo, Maynila!

Mga kababayan, mag-doble ingat po tayo lalo’t napakainit ng panahon, delikado lalo ang mga kabahayan sa sunog.

Anim na bahay ang nilamon ng apoy sa Sandico corner Soriano Street Brgy. 35, Tondo, Maynila, mula sa ulat ng ABS-CBN News. Dahil sa dikit-dikit na kabahayan, mabilis na kumalat ang apoy at itinaas ang sunog sa ikalawang alarma. Bukod dito, masikip din ang eskinita kaya’t nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang daan upang kaagad na maapula ang sunog.

Kanya-kanyang hakot at likas ng kanilang mga mahahalagang gamit ang mga residente habang inaapula ang apoy ng mga bumbero. Kuwento ng ilang nasunugan, akala nila umano ay may nagaganap lamang na gulo kaya’t maingay sa labas ngunit nagulat umano nila nang makitang malaki na ang apoy mula sa sunog.

Idineklarang fire-out ang lugar makalipas ang isang oras, subalit ilang sandali lamang ay muling sumiklab ang apoy sa isa sa mga bahay.

Sa kalagitnaan ng sunog ay isang ina ang nagmamadaling lumapit sa mga bumbero at nagsabing natutulog umano sa loob ng kanilang bahay ang dalawa nilang anak. Wala nang natira sa naabong bahay ng nasabing ginang at ganun na lamang ang kanilang panlulumo ng kanyang asawa nang makumpirmang hindi na nakalabas pa nang buhay ang dalawa nilang anak. Ang mga biktimang nasawi ay nakilalang sina Francine Hagunos, 15 anyos at Lance Hagunos, 12.

Ayon sa mga bumberong rumesponde, inabutan pa nilang magkayakap ang magkapatid na wala nang buhay sa loob ng natupok na bahay ng mga ito.

“Mayroong secondary exit sila na puwedeng pababa doon sa may cr daw sabi ng tatay. Hindi na siguro sila nakababa kasi na-suffocate na sila ng usok. Hindi tayo mamamatay sa apoy kaagad eh. Mamamatay muna tayo sa suffocation sa usok, bago tayo masusunog. Wala nang option ‘yung dalawang magkapatid, siguro nagyakapan na lang sila,” saad ni F/Insp. Jose Juaneros, Sub-station Commander ng Tondo Bureau of Fire Protection.

Tinatayang nasa P100,000 halaga ng danyos ang natupok ng apoy at may labindalawang pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog.

Nakadudurog ng puso ang mga ganitong eksena. Wala nang mas mahalaga pa sa ating mga buhay kaya’t lagi po tayong maging maingat at alerto sa lahat ng pagkakataon.

Source:
ABS-CBN News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén