Local News

May Kapansanan, Pinagsasapok at Tinutukan ng Baril ng Brgy Captain!

Dumulog sa programa ng mamamahayag na si Raffy Tulfo ang kaanak ng nabiktima ng isang barangay captain.

Sapul sa Close-Circuit Television (CCTV) ang ginawang pambubugbog at pagtutok ng baril ni Barangay Captain Orlando “Morly” Tolentino sa isang person with disability o PWD. Mapapanood sa kuha ng CCTV kung paano pinaghahampas ng kapitan ang PWD gamit ang kanyang baril. Nahagip din sa video ang pagsipa at pagkaladkad ni Tolentino sa PWD. Ginagawa ito ni Barangay Captain Tolentino habang ang PWD ay nakayuko na at nagmamakaawa sa kanya. Hindi rin pinalampas ng kapitan ang mga gustong umawat at pati sila ay tinutukan ng baril.

Sinubukan bilangin ni Tulfo kung gaano karami ang ginawang paghampas ni Kapitan Tolentino sa biktima pero dahil sa sobrang dami ay nawala na siya sa bilang. Ayon kay Tulfo, delikado ang ginawa ng kapitan dahil maaaring pumutok ang baril habang hinahampas ito sa biktima. Base sa inisyal na impormasyon ni Tulfo, kaanak daw ng isang alkalde ang suspek na chairman.

Ayon sa kaanak ng biktima, nag-text lang daw ang biktima kay Kapitan Tolentino ng “I love you” pero nagtataka sila kung bakit nauwi sa pambubogbog at panunutok ng baril ang insidente. Ibinunyag din ng kampo ng biktima na minsan nang nasuspindi ang kapitan sa serbisyo dahil sa pambubugbog.

Ilang beses daw humingi ng tulong sa kapulisan ang kampo ng biktima pero tila hindi sila pinapansin.

Tinawagan din ni Tulfo ang Chief of Police ng San Isidro, Nueva Ecija na si Major Rannie Casilla pero nagbingi-bingihan daw ang opisyal, ayon sa host. Kaya gustong ipasibak ni Tulfo si Major Casilla.

Nangako naman ng Provincial Director ng Nueva Ecija na si Police Colonel (PCOL) Leon Victor Rosete na aaksyunan nila ang ginawa ni Major Casilla.

“Gagawan po namin ito ng karampatang aksyon at gagawan natin ng mabilis na report,” sabi ni PCOL Rosete.

Source: News5Everywhere

Leave a Reply

Theme by Anders Norén