Local News

Mga Negosyante at Filipino-Indian community sa Bansa, Nangangamba dahil sa Lumalalang COVID-19 sa India!

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa India, nababahala ang mga negosyante at Filipino-Indian community sa bansa.

Kaugnay nito, aminado ang mga Indian businessmen na apektado ng kasalukuyang pandemya ang ilang negosyo sa Pilipinas, partikular na ang mga industriya ng manufacturing at trading kaya’t ilan na rin ang pansamantalang nagsara.

Ikinalungkot ng Philippine India- Business Council (PIBC) ang kasalukuyang sitwasyon sa India at anila’y gumagawa na rin sila ng paraan upang makalikom ng pondo para makatulong.

“It’s a bad situation in India and we definitely not very happy about it, we feel sad because we have relatives, we have friends who are also somehow affected with the situation here,” saad ni Johnny Chotrani, Chairman ng (PIBC).

“UNICEF is trying to come up with some funds or help, any help in whatever way will definitely help,” dagdag pa ni Chotrani.

Ayon sa huling datos ng Reuters noong Mayo 2, nasa 392,488 mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa India, habang umabot naman sa 3,689 ang bilang ng mga namatay sa sakit. Tumuntong na sa 19.56 milyon ang kabuuang kaso ng nasabing karamdaman at nasa 215,542 na ang mga nasawi.

Saad ni Philippine Ambassador to India Ramon Bagatsing Jr., isang malaking pagsubok umano ang kinakaharap ng India sa kasalukuyan.

“It’s really sad, depressing, heartbreaking, and napakabigat po ng nangyayari. Nakita niyo kung gaano kalungkot itong buwan ng Abril dito sa India, na ang record dito ng isang buwan ay katumbas ng record ng anim na buwan sa COVID cases at ang records ng deaths ng April ay katumbas ng tatlong buwan,” ani Bagatsing.

Punuan pa rin ang mga ospital, morge at crematorium sa India sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng tulong tulad ng gamot, medical supplies at equipment mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Germany, France, Belgium at Uzbekistan. Nagkakaubusan na rin umano ng bakuna sa bansa. Samantala, nasa 150,000 naman ng Sputnik V COVID Vaccine mula sa Russia ang dumating doon.

Ayon naman sa Tagapagsalita ng Sikh Temple sa Maynila na si Amart Jit Singh, lagi umano nilang tinatawagan at kinukumusta ang kanilang mga kaibigan at kaanak na nasa India, at handa raw silang magbigay ng tulong sa mga ito sa abot ng kanilang makakaya.

Source:
ABS- CBN News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén