Local News

Pag-uugnay sa LP sa Ouster Plot Laban kay DU30, ‘Diversionary Tactic’ Lamang, Ayon kay Kiko!


Pinabulaanan at tinawag na “diversionary tactic” ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang ipinrisintang matrix ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung saan iniuugnay ang Liberal Party, gayundin ang grupong Magdalo at iba pa sa umano’y planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Pangilinan, walang katotohanan at tanging imbento lamang daw ito upang mailihis ng Administrasyon ang mga isyu at usaping ipinupukol laban dito at sa mga kaalyado nito. Si Pangilinan ang kasalukuyang presidente ng LP at siya ring campaign manager ng senatorial slate ng oposisyon na “Otso Diretso”.

“This is the nth time that the administration, when confronted with controversy, falsely accuses the LP of being involved in ouster plots. Gawa-gawa lang ‘yan at nililihis ang usapin sa mga akusasyon laban sa administrasyon at mga kaalyado nito,” saad ni Pangilinan.

Ayon pa kay Pangilinan, sa halip umano na mag-imbento ng kuwento ang Administrasyon laban sa Liberal Party, dapat daw umano nitong aksyunan at ipaliwanag kung bakit walang drug lord, at walang opisyal ng Customs na naaaresto sa kabila ng paulit-ulit na kaso ng smuggling ng ilegal na droga sa bansa.

Sa isang press briefing sa Malacañang, ikinuwento ni Panelo ang umano’y natanggap nilang intelligence information na kanilang na-validate, at aniya’y nagpapakita na mayroong pagtatangka upang i-discredit ang Administrasyon, at palakasin ang mga senador at kandidatura ng oposisyon.

“And it appears that there are certain groups who are working together to achieve this goal. This group appears to be the Liberal Party. Some personalities identified as advocates or very active in social media, dishing out anti-Duterte statements, and sentiments and validated to be allied with the Liberal Party,” saad ni Panelo.

“The other group by the way is Magdalo. It appears from this diagram that Liberal Party, the Magdalo and other groups indicated in the matrix are working hand-in-hand,” dagdag pa ng Tagapagsalita ng Palasyo.

Source:
Inquirer

Leave a Reply