Local News

Pagbebenta ng Second Hand Cellphones, Ipinagbawal ni Manila Mayor Isko!

Ban na sa Lungsod ng Maynila ang pagbebenta ng mga segunda manong mga cellphones, kasama na dito ang “GSM” (galing sa magnanakaw).

Nagbanta si Manila Mayor Franciso “Isko Moreno” Domagoso na ipapasarado niya ang mga establisimiyento na mayroong mga vendors na nagtitinda ng mga nakaw na cellphones.

Inanunsyo ni Mayor Isko ang direktiba na ito matapos magsumbong ang isang estudyante na nakawan ng cellphone at kalaunan ay nakita ang cellphone nito na itinitinda sa isang vendor sa loob ng Isetann Mall sa Recto.

“Mayroon na naman kaming isang biktima… nag aaral sa Morayta na na-agawan ng cellphone. Then, ‘yung estudyante naka Find My iPhone, so na-track nya (yung cellphone niya), sa Isetann Recto na naman… Alam nyo sabi ng tiga mall sa kanya? ‘Wag ka na mag-complain… Imbis na ipasara (ng mall yung vendor nila), kinakalong pa,” paliwanag ng Punong Lungsod.

Gumagawa na rin daw ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng ordinansa para lubos na maipatupad ang pagba-ban sa bentahan ng mga second-hand na cellphones. Ayon sa Punong Lungsod, gagawin nila ang nag naturang hakbang upang hindi na maikutan ng mga kawatan ang mga otoridad.

“Naci-circumvent kami lagi ng tolongges na ito, nalulusutan kami, edi gagawin natin patayin natin yung gripo. May tubo ka pero walang tulo,” paliwanag ni Mayor Isko.

Saklaw ng direktiba ni Mayor Isko ang lahat ng klase ng establisimiyento.

“Whether mall, tiangge, o tindahan, ipagbabawal ang pagtitinda ng secondhand cellphone sa Lungsod ng Maynila tutal ayaw nila magtino,” banta ni Mayor Isko.

Nagbanta din ni Mayor Isko na maaaring makasuhan ng anti-fencing law ang mga magbebenta ng mga galing sa nakaw, kasama rin sa pwedeng makasuhan ay ang mga may-ari ng mga malls.

Naniniwala din si Mayor Isko na makakatulong ang ordinansa para masawata ang mga iligal na aktibidades ng mga kawatan sa Lungsod ng maynila kung walang bibili ng mga nakaw na cellphones o mga gadgets.

Source: Manila Public Information Office | Manila Bulletin | CNN Philippines

Leave a Reply

Theme by Anders Norén