Local News

Panoorin: 2-Anyos na Bata, Pumanaw Matapos Makalunok ng Lollipop mula sa Trick or Treat!

Isang 2-taong musmos ang binawian ng buhay matapos aksidenteng makalunok ng lollipop na mula sa trick or treat nitong nakaraang halloween.

Labis ang paghihinagpis ng kanyang mga magulang sa hindi inaasahang pangyayari. Bumara umano ang lollipop, kasama ang stick sa lalamunan ng biktima habang naglalaro ito. Nasa trabaho raw ang kanyang mga magulang nang maganap ang insidente at iniwan ang bata sa pangangalaga ng kanilang mga kaibigan sa Barangay 176, Pasay City.

Ayon sa mga magulang ng bata, hindi umano nila pinakakain ng lollipop ang kanilang anak subalit nakakuha ito mula sa mga ibang batang sumali sa trick or treat.

“Sabi mo nga sa’min ‘Daddy…Daddy, Mommy, iwan Liam. Ngayon naman kami ‘yung iniwan mo anak,” umiiyak na saad ni Sheila Enriquez, ina ng bata.

Kwento ng kapitbahay na si Leopoldo Corsino Jr., bandang alas-7:00 ng gabi noong Oktubre 31 nang napansin umanong tila nahihirapang huminga si Liam.

“Hindi ko ho alam kung ano’ng gagawin niya para matanggal sa lalamunan. Parang natataranta ako dahil sa ano nung.. lalo na nung nakita ko na sumuka nang may halong dugo.. yon. Eh sabi naman ng tita niya, dalhin na daw sa ospital,” saad ni Corsino Jr.

Sa ospital ng San Juan De Dios umano idineklarang “dead on arrival” ang kaaawa-awang paslit.

Kasalukuyang umaaapela ng tulong ang mga magulang ng biktima upang mabayaran ang mga nagastos sa ospital, pati na rin ang pagpapalibing sa bata.

“Sa makakapanood po nito, kahit konting tulong lang po,” ani Enriquez, ina ng bata.

Lubhang napakasakit mawalan ng minamahal sa buhay, lalo na ng isang anak. Walang salitang makapagpapahilom ng sugat sa puso ng mga magulang na binawian ng isang supling.

Sa mga magulang nating mambabasa, kung minsan ay hindi natin maiiwasang iwan ang ating mga anak dala na rin ng sitwasyong kailangan nating maghanapbuhay. Sa mga ganitong pagkakataon,sikapin nating tiyakin na mabantayan sila sa abot ng ating makakaya.


Source:
GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén