Local News

Panoorin: Dahil Umano sa Tsismis, Kapitbahay, Minartilyo sa Noo!

Sabi nga ng nakararami, ang “tsismis” o ang pagkakalat ng hindi magandang balita tungkol sa isang tao ay walang mabuting maidudulot kaninuman. Kadalasan, nauuwi ito sa away, pagtatalo, at ang pinakamatindi, sakitang pisikal.

Sa Barangay General T. De Leon sa Lungsod ng Valenzuela, sugat at mga tahi sa noo ang tinamo ng nagrereklamong biktimang si Rosalinda Acosta sa kamay mismo ng kanyang nakaalitang kapitbahay na si Sarah Hasan.

Kwento ng biktima, napadaan umano siya sa tapat ng bahay ng suspek nang walang kaabug-abog siya nitong sabunutan, tadyakan at hatawin ng martilyo sa noo. Mabuti na lamang at naawat umano sila ng mga nakasaksing kapitbahay at kaagad na dinala si Acosta sa ospital.

Samantala, inaresto naman ang suspek na si Hasan at ayon sa kanya, hindi niya raw sinasadya ang nagawang krimen at nagdilim lamang umano ang kanyang paningin nang hamunin siya ng away ni Acosta kaya’t napalo niya ito ng martilyo. Itinanggi naman ng biktima ang paratang na ito sa kanya ng suspek.

Batay sa imbestigasyon ng Valenzuela Police, matindi umano ang galit ng suspek sa biktima at hindi rin daw ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng mainitang pagtatalo at nagkasakitang pisikal ang dalawa.

Ayon naman sa kanilang Barangay, “tsismis” sa magkakapitbahay umano ang pinag-ugatan ng alitan ng suspek at ng biktima.

Naniniwala ang pulisya na planado ang nasabing krimen kaya’t nahaharap ngayon sa reklamong attempted murder ang suspek.

Source:
GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén