Balitang Lokal, Local News

Panoorin: Isang Buong Pamilya at Drayber, Arestado sa Pambubugbog sa Kanilang Mga Empleyado!

Hindi na napigilan pang maiyak ng isang trabahador sa Barangay BF Homes ParaƱaque City habang ikinukuwento ang dinanas umano niyang panggugulpi mula sa kamay ng kanyang mga among pinagsisislbihan.

Kinilala ang 37-anyos na biktima na si Juan Vanguardia, na nagawa umanong makatakas sa bahay ng abusado niyang amo na si Ethan Besas, 49. Sa tulong ng isang guwardiya ng Tahanan Village ay dumulog si Vanguardia sa Southern Police District upang humingi ng saklolo.

Kuwento ni Vanguardia, kinukuhanan pa umano ng mga suspek ang ginagawang pambubugbog sa kanya habang siya ay hirap na hirap na at halos gumagapang na sa sahig.

“Pinagpapalo po ako ng martilyo sa ulo, may mga bukol po ako sa ulo, dito sa likod, tapos inano ako ng sinturon, tapos sabay gusto nilang putulin ‘yung dila ko para hindi daw ako makapagsalita,” ani Vanguardia.

Inihingi rin ng biktima ng tulong ang isa pa niyang kasama sa trabaho na aniya’y naiwan pa sa poder ng kanilang malupit na mga amo. Hindi naman nag-atubili ang pulisya at kaagad nagsagawa ng rescue operations sa tahanan ng mga Besas at nailigtas naman ang 22-anyos na si Venzar delos Reyes.

‘Yung charger po na ano, isinakal po sa akin, ipinilipit po sa leeg ko, tapos ka-cutter in din po sana ako, Ewan ko kung bakit hindi nila ako cinutter, pinukpok naman sakin plies, ‘yung malaking plies. Tapos pinagsusuntok nila kong dalawang mag-ama, habang nasa sasakyan kami kanina. Dinala ako sa Taguig para bugbugin lang. Inikut-ikot nila ako dun. Hanggang pag-uwi namin, ito na naman ‘yung binugbog,” saad ni delos Reyes.

Agad namang inaresto ang itinuturong suspek na si Besas, ang anak nitong si Marian, 23 at ang asawang si Maila, 47. Dagdag pa ng mga biktima, si Maila pa raw ang kumukuha ng video habang isinasagawa ang pambubugbog sa kanila. Kasama ring inaresto ang drayber ng pamilya na si Michael Auguis, 24, dahil sa pagsisilbing look-out nito habang binubugbog ang dalawa.

Patuloy ng mga biktima, anim na buwan na umano silang nagtatrabaho sa pamilya Besas. Tinangggap daw nila ang alok na hanapbuhay ng mga ito dahil sa mga pangakong magandang sahod at maaayos na matutuluyan, subalit hindi raw natupad ang mga ito at sa ilalim lang sila ng mesa pinatutulog.

Nauna na raw nagtangkang tumakas ang dalawang biktima noong Martes ngunit nahuli sila ng mga amo, dinala sa presinto at pinalabas pang nagnakaw sila.

“Ni-report na siya rito na nagnakaw nung amo niyang ‘yan. So, ginawa namin, inaresto namin siya rito, dahil pinagbintangan nga silang nagnanakaw, eh nakita ko hindi naman,” saad ni BF Homes police substation commander Maj. Melvin Florida.

Maya-maya pa ay bumalik umano si Besas upang bawiin ang complaint at sinabing patatawarin na lamang daw niya ang kanyang mga empleyado. Pagkatapos nito ay ibinalik na sa bahay ang mga trabahador at lingid sa kaalaman ng mga awtoridad ay ikinulong na pala ag dalawa at pinagbubugbog,

Nag-init daw ang ulo ng mga suspek nang hindi makita ng mga ito ang susi ng kanilang sasakyan kaya’t muli nilang ginulpi ang mga biktima. Sinikap umanong makabangon ni Vanguardia upang lumaban at makatakas.

“Parang nakakakita pa ako ng aninag po, ‘yung pinalo na ko ng martilyo, sinakyan ako, naitulak ko po siya talaga. Tapos, sabay natumba siya, nakalabas ako sa pinto. Kasi nakaharang po sila eh, kaya tumakbo ako, tapos nanghingi ako ng tulong dun sa kapitbahay dun sa likod,” saad ni Vanguardia.

Mga kasong “serious illegal detention at physical injury” ang inihahanda laban sa mga suspek, na patuloy na itinatanggi ang nasabing akusasyon.

Source:
News5
Philstar Global

Leave a Reply

Theme by Anders Norén