Local News

Panoorin: Judge na Nag-illegal Parking, Ipinatawag sa Korte ang Traffic Enforcers na Sumita sa Kanya!

Ipinatawag ni Cabanatuan Municipal Court Judge Nelson Lago ang mga traffic enforcers na sumita sa kanya at kumumpiska sa plate number ng kanyang sasakyan matapos itong iligal na pumarada malapit sa terminal ng jeep sa Lungsod ng Baguio.

Pero ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, maayos naman daw na sinita ng mga traffic enforcers ang hukom at talagang nilabag daw ni Judge Lago ang lokal na batas ng kanilang lungsod. Dinipensahan din ni Mayor Magalong ang kanyang mga tauhan at sinabing ipinatutupad lang ng mga ito ang ordinansa ng Baguio City.

“Maayos naman ang pagkakasita sa kanya… Nagpapatupad lang tayo ng ordinansa rito,” sabi ni Mayor Magalong sa isang panayam.

Kinuwestiyon din ni Magalong ang paggamit umano ni Judge Lago sa posisyon nito para rumesbak sa mga traffic enforcers na nagpapatupad lang ng batas.

“Puwede naman po silang mag-file ng kaso at i-question ang ating ordinansa. Bakit naman gagamitin mo iyong position para lang mag-exert ng influence e alam mo namang mali kayo?” dagdag pa ni Magalong.

Ikinuwento din na Magalong na maski ang kanyang anak niya ay hinuli din ng mga otoridad sa Baguio at hindi na umangal pa, bagkus ay inayos nito ang kaukulang multa.

“Iyong mga may awtoridad dapat magpakumbaba sila at sumunod na lang po sa ating batas,” ayon pa sa alkalde ng Baguio City.

Base sa subpoena na inilabas ni Judge lago laban sa mga traffic enforcers, naging sanhi daw sa pagkaantala ng nakatakdang pagdinig ang pagkumpiska sa license plate ng kanyang sasakyan at ang pagbabayad niya ng multa para dito.

Kinokonsulta na ng Baguio City Police Office at ng pamahalaang lungsod ang mga kanilang mga abogado upang depensahan ang kanilang ginawa.

Pinagpapaliwanag naman ng Korte Suprema si Judge Lago sa ginawa nitong hakbang laban sa mga trafic Enforcers ng lungsod ng Baguio.

Source: ABC-CBN | Inquirer | Inquirer

Leave a Reply

Theme by Anders Norén