Oops! It appears that you have disabled your Javascript. In order for you to see this page as it is meant to appear, we ask that you please re-enable your Javascript!

Local News

Panoorin: ‘Maawa kayo sa mga Magulang ninyo’ – Ex-Rebel / Student Activist

Isang dating estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang sumalang sa senado ngayong araw para ilahad ang kanyang naging karanasan sa kilusan ng mga makakaliwa.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig patungkol sa mga “nawawalang” mga kabataan na miyembro ng Anakbayan, ibinunyag ni alyas “Allen” kung paano nagpapakalat ng propaganda ang mga progressive groups sa mga paaralan.

Ayon kay Allen, sumapi siya sa leftist group noon dahil sa pang-uudyok ng miyembro ng League of the Filipino Students (LFS). Isa sa ginamit ng panghikakayat sa kanya ay ang isyu ng kontraktuwalisasyon. Nagkataon din daw na ang kanyang magulang ay isang contractual worker kaya nakumbinsi siyang umanib sa LFS noong 2014.

Nang sumapi daw siya sa LFS ay sumailalim siya sa isang indoktrinasyon na pinamagatang “MKLRP” o Maikling kurso ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Noong una ay nahiwagaan daw si Allen sa natutunan niya.

“Wala pa po akong masyadong alam noon sa mundo, kaya po siguro madali rin po akong nakumbinsi,” sabi ni Allen.

Isiniwalat din ni Allen kung paano siya hinikayat na sumapi sa Kabataang Makabayan, isang organisasyon na sumusuporta sa New People’s Army (NPA). Ayon kay Allen, tinuruan daw sila ng organizer na huwag umamin na miyembro sila ng Kabataang Makabayan dahil malalagay daw sa panganib ang kanilang buhay pag nalaman ng otoridad.

“Parang itinatanim na nila sa isipan ko na dahil alam ko na itong bagay na ito ay magiging delikado na ang buhay ko,” salaysay pa ni Allen.

Matapos maging aktibista ng tatlong taon ay ni-recruit naman siya ng mga kasamahan para maging NPA.

Noong nabuntis daw siya ay humingi siya ng tulong sa grupo pero tila inabandona siya ng parehong grupo sinuportahan niya nang matagal na panahon.

“Kahit piso wala silang ibinigay, dahil wala na silang pakinabang sa amin,” pag-amin pa ni Allen.

Dahil sa kinasadlakang sitwasyon ay nagdesisyon si Allen na tumigil sa pagiging rebelde at sumuko sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Para sa mga kasamahan ko, maawa kayo sa mga magulang ninyo ang gusto nila ay makasama nila ang mga anak nila at makitang buhay, naiintindihan ko po kasi ito kasi nanay na ako ngayon,” sabi ni Allen.

Source: News5

Leave a Reply

Theme by Anders Norén