Local News

Panoorin: Nanlabang Holdaper, Dedo at Bulagta sa Rumespondeng Pulis!

Dedo ang isang hinihinalang holdpaer matapos itong paputukan ng pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Syudad ng Caloocan nito lang Lunes. Nahuli naman ang isa sa mga suspek na nagmamaneho ng motorsiklo habang ang isa naman ay nakatakbo at nakatakas.

Base sa ulat, sinita at pinababa sa sasakyan nila police corporals Philip Tizon at Mark Jefferson Lopez ang tatlong lalaki na sakay ng motorsiklo sa A. Mabini St. corner Guido 4 sa Maypajo, Caloocan.

Kakapkapan na daw sana ni Tizon ang mga suspek nang biglang sumigaw nang “tirahin niyo na” ang isa sa mga kawatan.

Sapul sa Closed-Circuit Television (CCTV) footage na tila may binubunot ang lalaking nakapulang t-shirt sa kanyang sling bag at biglang tumakbo. Habang ang suspek na nakaputi ay may binubunot sa kanyang bewang. Agad itong napansin ni Police Corporal Philip Tizon, kaya hindi na nagpatumpik-tumpik ang alagad ng batas at inunahan na ang kawatan. Nagtamo ng sugat sa panga ang suspek. Ayon kay Police Corporal Tizon, wala siyang balak paslangin ang suspek. Sa katunayan nga daw isang putok lang ang pinakawalan niya laban sa kawatan.

Nadala pa sa pagamutan ang suspek pero sumakabilang buhay din ito.

“Nakita ko ‘yung baril na inangat niya talaga. Kaya lang siguro mas mabilis akong bumunot sa kaniya kaya ‘yun ang nangyari,” sabi ni Tizon.

Isang baril at isang motorsiklo ang nakumpiska mula sa mga suspek.

Base sa impormasyon ni Caloocan City police chief Noel Flores, tutungo umano ang mga suspek sa Lungsod ng Maynila upang mangholdap.

“Sina-subject pa rin namin sa background itong tao. Kung may kaso ba siya noong nakaraan. Kung may record ba siya dito sa Caloocan o sa ibang lugar,” sabi ni police chief Flores.

Ikinakasa na ng mga alagad na batas ang mga dokumento at mga kaso laban sa lalaking kanilang nahuli at sa nakatakas nitong kasamahan.

Source: ABS-CBN

Leave a Reply

Theme by Anders Norén