Local News

Panoorin: “PUTULIN na ang Kontrata ng Manila Water at Maynilad” – Sen. Go

Bukas si dating Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Senador Christoper Bong Go sa posibilidad na putulin na lang ang kontrata ng mga water companies na nauugnay ngayon sa kontrata na tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “tagilid” para taumbayan.

Para kay Senador Go, hindi makabayan ang pinaggagagawa ng mga water concessionaires. Inilarawan niya pa angmga ito na ganid o sakim. Wala rin daw konsensiya ang mga naturang kumpanya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

“Tayo ba ay naglolokohan o talagang niloloko lang tayo… Matagal na nagtitiis ang mga consumers sa hindi magandang serbisyo sa tubig, tapos ngayon ay tataasan pa ang presyo,” sabi ni Senador Go.

Nakasaad sa kontrata ng water concessionaires at ng nakaraang gobyerno na pwede magtaas ng singil sa tubig ang gma water companies kahit kailan nila naisin. Nakalagay din sa kontrata na ang taumbayan ang kakargo sa corporate income tax ng mga water concessionaires.

“Tayo pa ngayon ang magbabayad ng bilyon-bilyon mula sa kaban ng bayan dahil pinigilan sila magtaas ng singil ng serbisyo na napakababa ng kalidad. Buong bansa ang magbabayad, hindi lang ang kliyente ng mga concessionaires na ito, the whole constituency, not just the part of it. It will bear the brunt of the greed and selfishness of these big concessionaires,” dagdag pa ni Senador Go.

Napuna naman ni dating Presidential Adviser on Political Affairs at ngayo’y Senador Francis Tolentino ang probisyon sa kontrata kung saan pinagbabawalan ang pamahalaan na makialam sa operasyon ng mga water concessionaires.

“Itong mga kontrata na ito ay one-sided. Hindi lang ginatasan, tinubigan po ang ating mga kababayan. ‘Yun palang corporate income tax ay ipinapasa sa mga consumers bilang consumption tax. In effect, exempted po sila sa pagbabayad ng corporate income tax,” banat naman ni Senador Tolentino.

Source: PTV

Leave a Reply

Theme by Anders Norén