Local News

‘Quo Warranto Laban sa ABS-CBN Franchise ay Pang-Aabuso sa Kapangyarihan’ – Leni

Para kay Vice President Leni Robredo, ang hakbang ni Solicitor General Jose Calida na paghahain ng Quo Warranto petition sa Korte Suprema para kanselahin ang prangkisa ng ABS-CBN ay isang “harassment” at “abuse of power”.

“Panggigipit ito, ayon sa pansariling agenda ng iilang nasa poder. Samakatuwid, pang-aabuso ito ng kapangyarihan,” boladas ni Vice President Robredo.

Kasama raw sa kalayaan sa pamamahayag ang karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan at kung ano ang makabuluhan sa bansa.

“Mahalagang bantayan ang kasalukuyang panggigipit sa prangkisa ng ABS-CBN dahil higit sa lahat tungkol ito sa kapangyarihan: Sino ang magtatakda ng totoo at ng mahalaga?… Kapag sinamsam ng gobyerno ang kapangyarihang ito, sinasamsam din nila ang kolektibong tungkulin nating kilatisin ang katotohanan,” patutsada pa ni Vice President Robredo.

Ang dinadanas din daw ng ABS-CBN ay maaari din danasin ng ibang media organizations, ayon kay RObredo.

“Ang itanong nga po natin: Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas malilit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?” dagdag ni Vice President Robredo.

Ayon kay Solicitor General Calida, nakitaan nila ng pang-aabuso ang ABS-CBN.

“We want to put an end to what we discovered to be highly abusive practices of ABS-CBN benefitting a greedy few at the expense of millions of its loyal subscribers. These practices have gone unnoticed or were disregarded for years,” sabi ni Calida.

Magugunita na ilang beses na rin sinabi ni Pangulong Rodrigo DUterte na haharangin niya ang franchise renewal ng istasyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatalakay sa kongreso ang mga nakabinbin na panukalang batas para sa legislative franchise ng ABS-CBN. Ang prangkisa ng network ay mapapaso na sa huling bahagi ng Marso 2020.

Source: ABS-CBN | Inquirer

Leave a Reply

Theme by Anders Norén