Local News

WATCH! Registered Nurse, Arestado sa Pagbebenta ng Nasa 300 Doses ng COVID-19 Vaccines!

Isang Registered Nurse at Dalawa Pang Suspek, Arestado sa Pagbebenta ng Nasa 300 Doses ng COVID-19 Vaccines

Arestado ang tatlong suspek, kabilang na ang isang registered nurse sa isang entrapment operation kung saan nabisto ang bentahan ng aabot sa 300 doses ng bakuna kontra COVID-19.

Sa ulat ng GMA News, makikita sa kuha ng CCTV sa Amoranto Street Quezon City na siyang meet-up place ng mga suspek at ng mga undercover ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagdating ng isang kulay asul na sasakyan. Maya-maya pa ay isang babae ang lumabas mula sa nasabing kotse, bitbit ang isang ice box. Matapos dalhin ng babae ang ice box sa gilid ng isa pang sasakyan at iabot ang “mark money” sa mga suspek, kaagad na dumating ang arresting team ng NBI Task Force on Anti-Illegal Drugs. Kumaripas ng takbo ang nabanggit na kulay asul na kotse at bagamat sinubukan itong habulin ng mga opisyal ay nakatakas ang mga ito.

Naiwan naman ang tatlong suspek na nakilalang sina Harjit Kour Gonzales Singh, Calvin Yeung Roca (Filipino-Chinese), at Alexis Francisco de Guzman na isang registered nurse.

Ayon kay NBI TFAID Chief Atty. Ross Jonathan Galicia, tatlong linggo na ang nakakalipas nang makatanggap sila ng ulat na nagkakaroon nga ng ilegal na bentahan ng COVID-19 vaccines sa publiko kamakailan. Napag-alaman umano nila na ipinagbebenta ng grupo ng mga nahuling suspek ang libu-libong bakuna. Nauna raw inialok ng mga ito ang mga bakuna sa halagang pitong milyong piso, na dikalauna’y napababa sa 300 doses na nagkakahalaga naman ng nasa P840,000.

Dagdag pa ng NBI, karaniwang nagtatrabaho sa POGO ang binabagsakan ng mga bakuna ng nabanggit na grupo ng mga suspek.

Kasalukuyan na umanong hawak ng NBI ang listahan ng mga pangalan ng iba pang personalidad na kasabwat sa nasabing ilegal na gawain at magsasagawa pa umano sila ng kaukulang masusing imbesigasyon at follow-up operations para rito.

Dinala na sa Department of Justice (DOJ) ang mga naarestong suspek at sinampahan ng reklamong paglabag sa Food and Drug Administration Act.

Source:
GMA News | Philstar.com

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: