Local News

Panoorin: Skyway Stage 3 Project Completion, Inaasahan Ngayong Taon Na!

Good news, mga ka-biyahero!

Kasunod ng napipintong pagbubukas ng unang bahagi ng Cavite-Laguna Expressway (Calax) segment sa Oktubre, na inanunsiyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, inaasahan na rin daw ngayong makukumpleto ang Skyway Stage 3 Project sa darating na Disyembre ng kasalukuyang taon.

Ayon sa DPWH, nasa 75 porsyento na ang nayayari sa nasabing proyekto na sakaling matapos ay siyang kukumpleto sa highway network na siyang magdurugtong sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).

Ipupuwesto ang entry at exit ramps sa nodal points ng nasabing skyway sa Buendia, Plaza Dilao, Nagtahan, E. Rodriguez, Quezon Avenue, Sergeant Rivera at Balintawak.

Saad ng DPWH, malaking tulong umano ang nasabing skyway project upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila partikular na sa Epifanio de los Santos Avenue o EDSA, lalo na ngayong darating na panahon ng kapaskuhan kung saan mas marami ang bumibiyahe at lumuluwas sa kani-kanilang bakasyunan.

Ang Skyway Project na ito ay bahagi pa rin ng programang Build, Build, Build program ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Nauna nang sinabi ni DPWH Sec. Villar na higit na maraming proyekto pa ang inaasahang magtatapos at magbubukas sa mga susunod na taon na pinagsisikapan nilang mayari sa kabila ng madalas na pag-ulan.

“Ang travel time from SLEX to NLEX kung may traffic pwedeng umabot ng dalawang oras, pero magiging 20 minutes na lang (pag natapos ang Skyway)… Ang toll nito ay ranging from 3 to 4 pesos per kilometer. 100,000 cars din ang mawawala sa Manila, sa EDSA. So malaking bagay sa decongestion ng EDSA,” sabi ni DPWH Secretary Villar.

Ayon kay Pangulong Duterte, inaasahan niyang matatapos ang mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build Program ng Administrasyon bago matapos ang kanyang termino sa taong 2022.

Panoorin ang panayam ng reporter kay Secretary Villar.

Source:
GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén