Oops! It appears that you have disabled your Javascript. In order for you to see this page as it is meant to appear, we ask that you please re-enable your Javascript!

Local News

Panoorin: Taxi Driver, Nanghampas ng Pasahero Gamit ang Tire Wrench!

Isang taxi driver ang inirereklamo ng umano’y tinanggihang isakay na pasahero matapos siyang hampasin daw ng drayber gamit ang isang tire wrench.

Sa Facebook Page ni James Deakin, mababasa ang salaysay ng sinasabing kapatid ng pasaherong nakaalitan sa kalsada ng taxi driver. Kwento ng nabanggit na kapatid, nangyari umano ang insidente sa Kalayaan Avenue malapit sa Edsa Northbound noong nakaraang August 16, dakong 9:45 pm.

Batay sa kuwento ng kapatid, tatlong naunang pasahero na umano ang tinanggihan ng drayber nang hintuan nito ang kapatid niya. Nang sabihin daw ng kapatid niya na sa Alphaland Magallanes lamang ito bababa ay nanghingi raw ang taxi driver ng dagdag na P50. Sinabi umano ng kapatid niya na malapit lamang ang destinasyon nito ngunit ayaw pa rin daw pumayag ng drayber. Doon na umano nagsalita ang kapatid niya at sinabi nito sa taxi driver na “Kuya nakabukas yang for hire na ilaw mo. Kung ayaw mo din naman magsakay eh i-off mo na lang yan.”

Doon na raw bumaba ang taxi driver mula sa kanyang sasakyan at may hawak na itong tire wrench na akmang ihahampas sa ulo ng nabanggit na pasahero. Nakailang ilag at sangga daw ang pasahero subalit tinamaan pa rin ang kamay nito, gayundin ang suot nitong relo na nagkandabasag-basag pa raw.

Dagdag pa ng nagrereklamong kapatid, tinangka pa umanong sagasaan ng nasabing drayber ang kanyang kapatid nang subukan nitong pigilan ang pag-andar ng sasakyan sa pag-asang may makakakitang pulis sa nangyari, upang makahingi umano agad siya ng saklolo.

Laking pasasalamat na lamang daw nila na may isang concerned citizen na nakakuha ng video sa pangyayari kaya’t agad nilang naireklamo ang nasabing drayber sa mga awtoridad matapos dalhin sa ospital ang kanyang kapatid dahil sa mga tinamo nitong sugat sa braso.

Nakausap na rin daw nila ang may-ari at management ng nabanggit na taxi at napagkasunduang bayaran ng mga ito ang naunang nagastos nila sa pagpapagamot at maging ang presyo ng relong nasira. Ipinrisinta rin daw sa kanila ang nakaalitang drayber,

Ang nasabing drayber ay 67 anyos na umano, na ayon din daw sa taxi company nito ay isa sa pinakamababait nilang mga drayber at marahil ay may hindi magandang pinagdaanan lamang daw ito noong araw na iyon.

Buo pa rin daw ang pasya ng hinampas na pasahero at ng pamilya nito na kasuhan ang nasabing drayber.

Source:
James Deakin Facebook Page

Leave a Reply

Theme by Anders Norén