Local News

‘TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO’ Coco Martin, Nagalit sa Shutdown ng ABS-CBN

Hindi napigilan Kapamilya Actor na si Coco Martin na ipahayag ang kanyang sama ng loob sa pamamagitan ng social media account matapos maglabas ng direktiba ang National Telecommunications Commission (NTC) upang utusan ang ABS-CBN network na tumigil sa pag-ere.

“Tutal wala naman kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang mga saloobin ko. Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo. Sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan sa mga puso ninyo. Mahirap magsawalang-kibo sa mga taong katulad ninyo na patuloy na nang-aabuso. Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino! Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?

Hindi ako mangingiming sabihin ang totoong nararandaman ko ngayon. Sa mga taong tulad niyo na hindi karapat-dapat pakitaan ng diplomasya at pagkamalumanay. Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan! Galing ako sa hirap at jologs ang pagkatao ko, kaya wala akong pakialam ngayon kung anong sasabihin ng ibang tao. Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada! Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!

TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!” sabi ni Martin.

Magugunita na nagbanta si SolGen Calida sa mga opisyal ng NTC kung sakaling magbigay ito ng provisional authority to operate sa ABS-CBN kahit wala pang prangkisa. Babala ni Calida, mhaharap sa asunto ang mga opisyal ng nasabing ahensiya.

Matatandaang ilangbeses nagbanta si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na haharangin niya ang prangkisa ng Kapamilya network. Isa sa mga dahilan ng Pangulo noon ay ang hindi pag-e-ere ng kanyang campaign ads noong 2016 elections. Inalmahan din ng Pangulong Duterte ang pagpapalabas ng ABS-CBN ng anti-DU30 campaign ads ni former senator Antonio Trillanes IV na kung saan mapapanood ang ilang bata na nagsasalita laban sa dating alkalde ng Davao City.

Kamakailan lang ay humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng ABS-CBN kay Pangulong Duterte sa senate hearing. Ito naman ay tinanggap ng Presidente.

Source: Coco Martin’s Instagram Account | Philippine Star

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: