Local News

Transgender, Pumila sa Pambabaeng Bagon ng LRT! Na-Megaphone ng Sekyu!

Lungkot at pagkapahiya.

Ganito umano ang naranasan ng isang transwoman na si Darna Evangelista matapos siyang sitahin ng isang guwardiya sa LRT Carriedo Station nang siya ay pumila sa unahang parte ng bagoon, kung saan sumasakay ang mga babaeng pasahero.

Kuwento ni Darna sa kanyang Facebook post noong August 7, nangyari umano ang nasabing insidente nang minsang umuwi siya kasabay ang kanyang boss na dalaga na hindi raw nagdala ng sasakyan noong mga panahong iyon dahil sa madalas na pag-ulan.

Ayon kay Evangelista, ,matagal na umano niyang ginagawa sa loob ng maraming taon ang gumamit ng palikuran ng mga babae at pumila sa women’s line kaya’t nagulat siya nang kuwestiyunin ng gwardya ang pagpila niya sa pilahan ng mga babae. Matapos pagbawalan ay mahinahon niya umanong kinausap ang nasabing guwardiya upang tanungin kung natalakay na ba sa mga ito ang ukol sa “gender sensitivity”. Dagdag ni Darna, ang mga transwoman ay kinukunsidera umanong babae.

Laking pagkabigla umano ni Evangelista nang bigla siyang tanungin ng guwardiya nang “Nagpapalit na po ba kayo ng ano?”

Sa pagkagulat ay tinanong daw ni Evangelista ang nasabing guwardiya kung kailangan pa niyang ipakita ang nasa pagitan ng kanyang mga hita upang makumbinsi ito.

Sinagot umano siya ng guwardiya na isa pa rin daw siyang lalaki. Labis pang ikinapahiya umano ni Darna nang pagdating ng tren at tangkain niyang sumakay sa women’s carriage ay kinuha daw ng guwardiya ang megaphone at malakas siyang sinita, “Sir bawal ka diyan kasi lalaki ka pa rin!”

Kinompronta umanong muli ni Evangelista ang nasabing guwardiya at sa huli’y nakausap niya ang hepe ng mga ito.

Humingi naman daw ng paumanhin ang nabanggit na hepe at pinayagan siyang makasakay sa bagoon na para babae subalit hindi pa rin daw maalis sa isip niya ang pagkapahiyang naranasan niya.

Hiling ni Evangelista, magkaroon ng sapat na Gender Sensitivity Training para sa pamunuan ng nasabing istasyon ng tren.

Nanawagan din siya kay Manila Mayor Isko Moreno na ipatupad na ang aniya’y Gender Fair City Ordinance at siya raw mismo ang isa sa mga tutulong na maisulong ito.

Source:
Darna Evangelista Facebook Account
Inquirer.net

Leave a Reply

Theme by Anders Norén