Balitang Lokal, Local News

Viral: Pari sa Pampanga, “Inahas” si Misis kay Mister?

Kumakalat ngayon sa social media ang video kung saan makikitang galit na galit ang isang lalaki habang kinokompronta ang isang paring Katoliko sa San Fernando Pampanga. Ang dahilan ng pagwawala ng lalaki, nakiapid umano ang nasabing pari sa kanyang misis.

Kitang-kita sa video kung paano inihampas at winarak ng lalaki sa harap ng misis nito at ng pari ang aniya’y family picture nila. Maririnig din sa video ang galit na galit na boses ng lalaki at ng ilan pang tila mga anak ng misis na noo’y nasa loob din ng social hall ng simbahan kung saan nakadestino ang paring inaakusahan ng pakikipaid.

“Thou shall not covet thy neighbor’s wife,” pasigaw na saad ng lalaki sa video.

Ilang saglit pa ay maririnig din sa nasabing video na humingi ng “sorry” ang pari subalit tila lalo lamang itong ikinagalit ng lalaki at muling ihinampas ang picture frame hanggang sa magkabali-bali ito.

“Wala na pong sorry kasi yari na po. Pamilya ko ang sinira niyo,” saad ng lalaki.

Samantala, tahimik naman ang sinasabing misis ng lalaki habang nakaupo sa harap ng mesa at minamasdan ang mga nangyayari.

May isang boses pa na galing sa mismong kumukuha ng video at pinaniniwalaang anak ng lalaki ang maririnig na pasarkastikong pinagsasabihan ang pari ng sama ng loob.

“Among, salamat sa pagtrato mo nang maayos sa amin. Naniwala kami sa’yo. Salamat sa mga turo mo. Salamat, nasira ‘yung tiwala namin sa taas,” saad ng lalaki.

“Kailangan mong maalis. Ni-report ka na namin, humanda ka. Iniimbestigahan ka na,” dagdag pa ng lalaki.

Tinawag ding “ahas” ng mga lalaki sa video ang pari na anila’y nanira ng pamilya ng iba at hindi umano marunong mahiya.

“Palagay ko masyado ka nang makapal na mag-mask ka pa bukas,” saad ng asawa ng babae.

“Huwag kang mag-alala, iniimbestigahan ka na. Alam mo, ang daming pari na sumusuporta na sa amin. Lagot ka,” saad ng anak ng lalaki sa video.

Samantala, ayon sa ABS-CBN News, kasalukuyan na umanong iniibestigahan at nakikipag-ugnayan si Archbishop Florentino Lavarias ng Archdiocese of San Fernando sa nasabing pari sa video at sa pamilyang sangkot sa isyu.

Source:
ABS-CBN News
Oks lang Facebook Page

Leave a Reply

Theme by Anders Norén

error: