Local News

“Walang Deployment Ban para sa mga Pinoy sa Hongkong”- DOLE Sec. Bello III

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang nangyayaring kaguluhan at kaliwa’t kanang protesta ngayon sa Hongkong. Dahil dito, ilan sa mga kababayan natin ang nangangamba kung maaari nga bang madamay ang mga kapwa natin Pilipino na kasalukuyang nagtatrabaho sa Hongkong bilang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), gayundin ang mga nais pang magpunta roon upang maghanapbuhay.

Sa isang panayam kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, sinabi nitong wala umanong “deployment ban” o maging ang sapilitang pagpapauwi sa mga trabahanteng Pinoy mula sa Hongkong, sa kabila ng kaguluhang nangyayari roon sa ngayon.

“Totoong medyo may kaguluhan sa Hongkong. Pero sa ngayon, according to our labor attaché at ng DFA (Department of Foreign Affairs), ay wala pa namang Pilipino na nadadamay. Kaya walang dahilan para mag-deployment ban tayo roon at wala ring dahilan na magkaroon ng mandatory repatriation ng ating mga kababayan doon,” saad ni Bello.

“Tuloy pa rin ang deployment po,” dagdag pa ng Labor Secretary.

Siniguro rin ni Bello na patuloy umanong binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Hongkong sa kasalukuyan.

“Ang DFA ang may kakayahan para mag-evaluate at mag-assess ng situation, and to warrant a mandatory repatriation. Sa ngayon, wala pa naman,” ani Bello.

Sinabi rin ni Bello na kung sakaling lumala pa ang sitwasyon doon, handa umanong tulungan ng DOLE ang mga kababayan nating OFWs sa Hongkong na makakuha ng trabaho sa China at Macau.

Samantala, pinapayuhan naman ng Philippine Consulate General sa Hongkong ang mga Pilipino roon na mag-ingat at umiwas sa mga lugar kung saan may mga isasagawa pang demonstrasyon tulad ng Yuen Long MTR Station, Kwun Tong Promenade at Prince Edward Victoria Park hanggan Lan Kwai Fong.

Nitong nakaraang Linggo lamang ay nagkaroon ng palitan ng tear gas at petrol bombs sa pagitan ng mga kapulisan at protesters sa isang demonstrasyon sa Hongkong, na nag-iwan ng matinding kaguluhan at marami-rami ang nasaktan.

Source:
GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén