Local News

Watch! Babaeng Na-Coma sa Pasig Hit-and Run Incident, Pumanaw na! 500k Pabuya, Inalaan ni Tulfo para Mahuli ang suspek!

Kamakailan lamang ay naging laman ng mga balita sa telebisyon, radyo, pahayagan at maging sa social media ang isang insidente kung saan isang motorsiklo ang nabangga ng isang kotse sa Marcos Highway sa Santolan, Pasig City. Sakay ng nasabing motor ang mag-live-in partner na mga biktimang sina Mark Joseph Belen at Rossana Ugto

Ngayon, mula sa ulat ng GMA News, kinumpirma umano ng ilang kaanak na pumanaw na si Ugto matapos ang ilang araw na pagkaka-comatose nito dahil sa insidente.

Matatandaang sa isang video noon na kuha mula sa dash cam na inilabas sa social media post ng isang netizen, makikitang habang binabagtas ng mag-partner na motorista ang kahabaan ng Marcos Highway, madaling araw noong Marso 26, isang humaharurot na kotse ang biglang nag-overtake sa mga ito. Ang kotse, muling nagtangkang bumalik sa lane saka walang kaabug-abog na nasagi ang motorsiklo na ikinatumba ng dalawang sakay nito. Sa halip na huminto ang kotse ay tuluy-tuloy lamang ang mabilis nitong pagtakbo na tila walang nangyari habang ang mga kawawang biktima ay naiwang nakahandusay sa kalsada.

Nabalian naman ng paa ang noo’y nagmamaneho ng motorsiklo na si Belen. Sa kuwento ni Belen, galing umano siya noon sa trabaho at sinundo lamang ang kanyang kasintahang si Ugto bago nangyari ang trahedya. Itinanggi rin ni Belen ang ilang kumakalat na pahayag sa social media na tila nakagitgitan na raw nila ang nasabing kotse bago pa man maganap ang hit-and-run na ito.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikilala ang nagmamaneho ng nasabing kotse at suspek sa nasabing insidente. Sa kasamaang palad, kung pagbabasehan ang kuha ng video na naka-upload sa social media ay hindi gaanong malinaw na makikita ang plate number ng nabanggit na kotse.

Isang buhay na naman ang nasayang dahil sa iresponsableng pagmamaneho ng iba sa daan at kawalan ng pakialam kung may madidisgrasyang kapwa. Nawa ay mahuli na ang suspek sa insidenteng ito at maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima sa lalong madaling panahon.

Naglaan naman ang journalist na si Raffy Tulfo ng pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa suspek.

Source: GMA | Raffy Tulfo in Action

Leave a Reply

Theme by Anders Norén