Local News

Watch! Ex-Lover ni Silawan, Nagpanggap na ibang Tao at Pinatay ang Dalaga?

Hanggang sa kasalukuyan ay palaisipan pa rin sa nakararami kung paano naisakatuparan ng suspek na menor de edad sa biktimang si Christine Silawan mula sa Lapu-Lapu City ang krimeng ikinasawi ng biktima, kung saan natagpuan si Silawan na walang buhay, tadtad ng saksak, binalatan ang mukha at nawawala ang ilang internal organs. Brutal ang pagkakapaslang sa biktima na nag-iwan ng malaking tanong sa lahat: ano’ng klaseng tao ang kayang gumawa ng ganitong uri ng karahasan?

Sa pinakabagong balita mula sa ulat ng GMA News, batay umano sa naging imbestigasyon ng National Bureau of Investigation ay ang dating nobyo ni Silawan ang siyang mismong salarin, kasama ang dalawa pang suspek na kasabwat nito. Umamin na umano ang 17-taong gulang na suspek na hindi pinangalanan dahil menor de edad, sa nagawa niyang krimen. Ang itinuturong dahilan: labis na selos. Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development office sa Cebu ang naturang suspek.

Batay sa ulat ng “24 Oras”, mula sa pagsisiyasat ng NBI ay napag-alaman umanong gumamit ng pekeng Facebook account ang dating nobyo ni Silawan upang linlangin ang biktima, at nagpanggap umano itong “bagong manliligaw”. Nakatakda umano sanang magkita sina Silawan at ang kanyang bagong “suitor” noong Marso 10, ika-6 ng gabi.

Ayon sa CCTV footage na hawak ng mga awtoridad, makikita umano na naghintay ang biktima malapit sa simbahan kung saan siya nagsisilbi bilang kolektor. Sa halip daw na ang kanyang bagong manliligaw ang magpakita, ang kanyang dating nobyo ang sumulpot sa nabanggit na lugar. May ilang bahagi umano sa kuha ng CCTV kung saan kapansin-pansin ang tila pagtatalo sa pagitan ni Silawan at ng dati nitong nobyo. Saad ni NBI Region 7 Director Tomas Enrile, maaaring nagulat si Silawan dahil hindi ang dating nobyo ang inaasahan niyang darating sa nabanggit na tagpuan dahil hindi umano ito ang kausap nito sa social media messenger

Inaalam pa ng pulisya kung paano nakumbinsi ng suspek si Silawan na sumama sa kanya noong araw na iyon.

Nawa, sa paglipas ng mga araw ay mabigyang-linaw na ang totoong pangyayari sa likod ng karumal-dumal na krimen na ito at mapanagot ang mga tunay na may sala, upang makamit na ng pamilya ng biktima ang isinisigaw nilang hustisya sa sinapit ng dalagita.

Source: GMA News | GMA News

Leave a Reply

Theme by Anders Norén