Local News

“You want to kill me? Go ahead!” BuCor Chief Bantag, Nakatatanggap na ng Death Threats?

Ibinunyag ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag na nakatatanggap na siya ng banta sa kanyang buhay dahil sa pagbabagong ipinatutupad niya ngayon sa loob ng New Bilibid Prison. Hindi naman nagpatinag si BuCor Chief Bantag at hinamon pa ang mga may masasamang plano na subukan ang kanilang binabalak. Nanindigan din si Bantag na marami pang masisibak sa pwesto.

“Expect more heads to roll. I know what you’re thinking. You want to kill me? Go ahead!” matapang na pahayag ni BuCor Chief Bantag.

Nakatanggap na rin daw si Bantag ng impormasyon na may pinaplano na para sirain ang kanyang pangalan at reputasyon.

Iginiit ni BuCor Chief Bantag na hindi mapipigil ng mga banta ang mga gagawin niyang pagbabago sa loob ng presohan. Lalo rin daw niyang paiigtingin ang operasyon laban sa mga high-value inmates sa maximum compound ng Bilibid.

Kamakailan lang ay nagsagawa ng raid ang BuCor sa loob ng Bilibid at nakakumpiska sila libo-libong kontrabando tulad ng mga DVD players, pocket wifi, keyboards, cellphones, cellphone chargers, DVDs, internet routers, armas at mga sigarilyo.

Base sa mga impormasyon, may naipupuslit pa rin daw na mga kontrabando sa presohan tulad ng cellphones. Umaabot umano sa P50,000 hanggang P200,000 ang lagayan o padulas upang maipuslit ang kada cellphone sa loob ng Bilibid. Nagagamit daw ito ng mga sindikato sa loob ng preso upang ituloy ang operasyon ng droga sa kulungan.

Naging laman ng balita si BuCor Chief Bantag nitong nagdaang mga linggo dahil sa pagpapagiba niya sa mga kubol at illegal structures sa loob ng Bilibid. Sinibak din niya ang aabot sa 300 na prison guards. Dahil sa mga pagbabagong ipatutupad ni Bantag, tumaas ang tensyon sa kulungan at pumalo pa sa red alert ang status sa Bilibid. Tinapatan naman ito ng mga alagad ng batas sa pamamagitan pagde-deploy ng tangke at ng mga snipers.

Source: Philstar

Leave a Reply

Theme by Anders Norén